Home NATIONWIDE NHA nagkaloob ng isang buwang moratorium sa pagbabayad ng pabahay sa mga...

NHA nagkaloob ng isang buwang moratorium sa pagbabayad ng pabahay sa mga nasalanta ng kalamidad sa Cebu

304
0

MANILA, Philippines – Nagkaloob ang National Housing Authority (NHA) ng isang buwang moratorium sa amortization ng housing loan at lease payments para sa mga benepisyaryo nito na nasalanta ng habagat, bagyong Mirasol, Nando at Ompong sa Masbate at naapektuhan ng 6.7 na lindol sa probinsya ng Cebu.

Agad na iniutos ni General Manager Joeben A. Tai ang paglalabas at pagpapatupad ng NHA Memorandum Circular No. 2025-153 na nagsususpinde ng amortization at lease payments para sa mga residential account holders ng ahensya sa mga nabanggit na probinsya, sa buong buwan ng Oktubre.

“Bilang pagsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na magbigay ng tulong sa mga pamilyang apektado ng iba’t ibang kalamidad na tumama nitong nakaraan sa ating mga kababayan, agaran po kami sa NHA na nagpatupad ng moratorium para sa aming mga benepisyaryo sa Masbate at Cebu,” pahayag ni NHA GM Tai.

“Sa ilalim ng nasabing moratorium, hindi ipapataw ang delinquency o karagdagang interest rates, sinuspinde na rin ang pagpapataw ng multa (penalties) at iba pang kaukulang singil (surcharges) sa loob ng nasabing panahon.

Sa panayam kay NHA GM Joeben A. Tai, ipinahayag niya na agad nang nagpatupad ang ahensya ng moratorium para sa mga pamilyang apektado ng kalamidad. Ayon sa kanya, “Wala na pong babayaran for the month of October ang mga benepisyaryo ng National Housing Authority sa Province of Cebu and Province of Masbate. Wala na po kami pinipili. Basta po kung nasa Cebu po kayo, sa Masbate, for the month of October, automatic na po ‘yan, wala na po kayong babayaran. So ang susunod na po nilang babayaran is for the month of November na po.”

Idiniin ni GM Tai na ang mabilis na pagtugon ng NHA ay kasunod ng hangarin ng Pangulong Marcos, Jr. na makatulong maibsan ang pasaning pinansyal ng mga pamilyang nasalanta ng bagyo at lindol.

Ang koleksyon ng amortization at lease payments, gayundin ang pagdagdag ng delinquency at iba pang interest charges ay manunumbalik sa normal nitong skedyul sa Nobyembre 2025.

Binanggit din ng ahensya na ang anumang bayad na ginawa sa panahon ng moratorium ay ilalapat ayon sa umiiral na hierarchy of payments.

“Kami po sa NHA ay taos-puso ang malasakit sa aming mga housing beneficiaries. Hangad po namin na sa pamamagitan ng moratorium na ito ay makatulong kami sa inyong pamilya kahit papaano at makabangon muli,” dagdag pa ni GM Tai.

Bukod sa moratorium, kasalukuyang nagsasagawa ang Ahensya ng validation, koordinasyon sa mga LGUs para sa mga apektadong pamilya at aktibong humahanap ng funding requirements para sa pagpapatupad ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP). DANNY QUERUBIN 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here