MANILA, Philippines – Mariing itinanggi ng Philippine National Police (PNP) na wala itong natatanggap na komunikasyon o diskarte hinggil sa umano’y panawagan na patalsikin si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Sa isang press briefing, sinabi ni acting chief PNP Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na walang indibidwal—sibilyan, o dating opisyal ng pulisya—ang nakipag-ugnayan sa kanya o sa kanyang mga tauhan kaugnay ng anumang pagsisikap sa destabilisasyon.
“On the part of the Philippine National Police, sa akin, wala pa namang kumakausap. As well as my staff, as well as the commanders, and even the regional directors,” saad ni Nartatez.
“So pagka meron, maybe pwede ko silang kausapin not to do it and what’s the basis? We have a President that is a sitting President who won by majority votes. Taas nga e diba? More than 50 percent of the voting number ay nakuha niya. So walang basis para patalaskin.”
Binigyang-diin din ng hepe ng pulisya na sa ilalim ng administrasyong Marcos, ang mga reporma ay itinutulak—lalo na laban sa katiwalian at mga ilegal na aktibidad na nag-ambag sa matagal nang isyu tulad ng pagbaha.
“It started during the July SONA, wherein, siya na mismo ang magsabi, put a stop of corruption especially that caused the flooding here in Metro Manila and nearby provinces, and even sa lahat. So, what’s the basis?” dagdag niya.
Ibinasura rin ni Nartatez ang espekulasyon ng kaguluhan sa loob ng puwersa ng pulisya, at sinabing nananatiling “relatively high” ang moral sa mga yunit sa buong bansa.
“The state of morale of the Philippine National Police is high, relatively high. No need for a loyalty check,” aniya.
“Actually, with or without orders for loyalty check, ginagawa natin yan. Kaya nga sinasabi natin, the state of morale of the Philippine National Police is relatively high.”
Noong nakaraang linggo, ibinunyag ni AFP chief-of-staff Gen. Romeo Brawner Jr. na nakatanggap ang militar ng “feelers” mula sa hindi pinangalanang mga indibidwal na nagtangkang itulak ang pagpapatalsik kay Marcos.
Gayunpaman, tinanggihan ng pamunuan ng AFP ang ideya.
Muling pinagtibay ni Brawner ang katapatan ng militar sa chain of command, na sinasabing nakatuon sila sa pagtataguyod ng mga demokratikong institusyon. RNT/MND