MANILA, Philippines – Nagkasundo ang Philippine Coast Guard, Maritime Industry Authority (MARINA), at Bangsamoro MARINA na mahigpit na ipatupad ang mga batas at regulasyon sa domestic shipping upang matiyak na walang barkong lokal ang makalulutang nang walang kinakailangang sertipiko at dokumento.
Ayon sa PCG, ang mga resibo, patunay ng filing, o pending applications ay hindi katumbas ng valid na sertipiko para makapag-operate ang barko. Tanging mga lehitimo at opisyal na inisyu na dokumento lamang ang kikilalanin.
Sa ilalim ng kasunduan, ang MARINA ay magpapatupad ng mas mahigpit na hakbang laban sa non-registration at colorum operations, habang ang BMARINA ay magbibigay ng transitional mechanism para tulungan ang mga operator sa pagsunod sa regulasyon. Kasama rito ang guided certification processes, coordinated inspections, at pinatibay na safety measures.
Binanggit ng PCG na ang kooperasyon ng lokal na shipping industry ay mahalaga upang mapanatili ang kaligtasan sa dagat, protektahan ang marine environment, at mapanatili ang integridad ng industriya.
Ang hakbang ay isinagawa kasunod ng trahedya noong Enero 26, nang lumubog ang MV Trisha Kerstin 3 sa Baluk-Baluk Island, Basilan. Sa insidente, 65 ang kumpirmadong nasawi, 293 ang nakaligtas, at 14 ang nawawala. Ilang PCG at MARINA personnel ang nasuspinde o pinatawan ng parusa matapos ang imbestigasyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden