LAGUNA, Philippines – Nailigtas ng Philippine National Police-Women and Children Protection Center ang isang limang-araw na sanggol na diumano’y ibinenta ng isang reseller sa San Pedro, Laguna.
Ayon kay PNP-WCPC chief PBGen. Maria Sheila Portento, isinagawa ang entrapment operation matapos makatanggap ng impormasyon tungkol sa umano’y pagbebenta ng bata sa halagang P35,000, kahit habang nasa sinapupunan pa ang bata.
Natuklasan ng mga imbestigador na ang suspek ay naghahanap ng mga buyer online at kumikita ng komisyon sa bawat matagumpay na transaksyon. Sinabi ni Portento na posibleng may mga naunang kaso rin ng ganitong modus.
Patuloy na hinahanap ng pulisya ang ina ng bata, na maaaring maharap sa kaso sa ilalim ng Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022 at Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
Pinayuhan ng PNP-WCPC ang publiko na makipag-ugnayan sa National Authority for Child Care para sa lehitimong proseso ng ampunin at tulong para sa mga batang nangangailangan. RNT/MND