MANILA, Philippines- Naobserbahan ng Department of Health (DOH) ang pagtaas ng kaso ng non-communicable diseases (NCDs) sa holiday season.
Sinabi ng DOH na binabantayan nito ang NCDs tulad ng acute stroke, acute coronary syndrome (ACS), at bronchial asthma mula sa walong sentinel sites nationwide.
Binanggit ng DOH na ang kaso ng stroke sa panahon ng pagdiriwang ng Bagong Taon ay sumampa sa 146 na nitong Enero 2 mula sa 12 kaso lamang noong Dis. 23.
Edad 45 hanggang 64-anyos ang karamihan sa mga pasyente ng stroke.
May pagtaas din ng mga kaso ng Acute Coronary Syndrome (ACS) na mula sa dalawang kaso noong Disyembre 22, sinabi ng DOH na ang ACS patients ay tumaas sa 74 noong Enero 2, 2025 na may isang patay.
Dahil naman sa usok mula sa mga paputok, binabantayan ng DOH ang bronchial asthma.
Ayon sa report mula sa sentinel sites, sinabi ng DOH na ang mga kaso ng bronchial asthma ay sumampa ng 80 noong Enero 2, mula sa anim noong Disyembre 22, 2024.
Sa patuloy nitong pagbabantay sa mga NCD, sinabi ng DOH na titiyakin nito na mananatiling handa ang mga ospital.
Samantala, nanawagan ang DOH sa publiko na unahin ang kalusugan sa 2025 sa pamamagitan ng pag-iwas sa labis na pagkonsumo ng maaalat, matamis, at matabang pagkain, paglilimita sa pag-inom ng alak, at pag-iskedyul ng regular na konsultasyon sa doktor upang pamahalaan ang mga umiiral na kondisyong medikal tulad ng hypertension.
Sa press conference, hinimok ni Health Secretary Teodoro Herbosa ang publiko na simulan ang taon nang tama sa pamamagitan ng paggawa ng mas mabuting mga pagpipilian sa kalusugan, tulad ng balanseng pagkain, regular na ehersisyo, at disiplina, upang maiwasan ang mga malalang sakit. Jocelyn Tabangcura-Domendema