MANILA, Philippines- Sinabi ng Department of Migrant Workers (DMW) na magbibigay ito ng assistance sa pamilya ng napatay na Filipino domestic worker na ang bangkay ay natagpuang naaagnas na sa bahay ng kanyang Kuwaiti employer matapos iulat na nawawala ng dalawang buwan.
Kasabay ng pakikiramay, sinabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na tutulong sila at magbibigay ng legal assistance sa pagkamit ng hustisya sa naiwang pamilya, at repatriation.
Ayon kay Cacdac, ang bangkay ng biktima ay nakatakdang i-repatriate sa Pilipinas kasunod ng imbestigasyon ng mga awtoridad sa Kuwait.
Iniulat na nawawala ang biktima na nagtatrabaho bilang household service worker sa Kuwait simula Disyembre 2019 ng kanyang ikalawang employer noong Oktubre 2024.
Gayunman, sa initial report, walang miyembro ng pamilya sa Pilipinas ang nag-ulat tungkol dito kahit pa dalawang buwan na itong nawawala.
Ayon kay Cacdac, huling nakausap ng pamilya ang biktima noong Oktubre kung sana inakala na busy lamang ito hanggang sa makatanggap ng balita ng pagkamatay.
Hindi pa ibinibigay ng DMW ang pagkakilanlan ng biktima upang masiguro ang kapakanan ng pamilya at mga anak sa gitna ng pagdiriwang ng holiday season.
Una nang sinabi ng Office of the Migrant Affairs (OMA) mula sa Embahada sa Pilipinas sa Kuwait na ang bangkay ng biktima ay natagpuan matapos i-report sa pulisya ng kapatid ng suspek. Jocelyn Tabangcura-Domenden