PYONGYANG, North Korea – Nag-test fire ng isang ballistic missile ang North Korea noong Linggo, ayon sa Yonhap news agency, sa pinakabagong serye ng missile launches ng bansa.
Ayon sa Joint Chiefs of Staff (South Korea), isang ballistic missile ang nakita nilang pinaputok patungong silangan at kasalukuyan pa nilang inaalam ang detalye ng insidente.
Nauna rito, nagsagawa rin ang North Korea ng mga weapon tests sa loob ng tatlong araw noong unang bahagi ng buwan, kabilang ang ballistic missiles at cluster bombs, ayon sa state media.
Ayon sa mga analyst, ang mga naunang test firing ay nagpapakita ng pagtanggi ng North Korea sa mga pagsisikap ng South Korea na ayusin ang relasyon ng dalawang bansa.
Kabilang dito ang paghingi ng paumanhin ng South Korea sa umano’y pagpasok ng civilian drones sa North Korea noong Enero.
Una itong tinanggap nang positibo ni Kim Yo Jong, kapatid ni North Korean leader Kim Jong Un, ngunit kalaunan ay muling lumala ang tono ng Pyongyang, na tinawag ang South Korea bilang “the enemy state most hostile.” RNT/MND