MANILA, Philippines – Idinaos na ang arraignment ni dating Kinatawan ng Negros Oriental na si Arnolfo “Arnie” Teves Jr. sa Manila Regional Trial Court Branch 12, Huwebes ng umaga, Hunyo 5.
Ito ay sa ikinahaharap sa mga kasong illegal possession of firearms at explosives ni Teves, gayundin sa mga kaso ng pagpatay, attempted murder, at frustrated murder.
Dinala si Teves mula sa National Bureau of Investigation (NBI) detention facility sa loob ng New Bilibid Prison compound sa Muntinlupa City.
Dumating siya sa korte bandang alas-7 ng umaga na mahigpit na inescort ng mga tauhan ng NBI.
Nakasuot siya ng kulay orange na damit, nakaposas, at may suot na bulletproof vest at Kevlar helmet bilang bahagi ng mga hakbang pangseguridad. Nagsimula ang arraignment sa ganap na alas-8:30 ng umaga.
Ipinasok ng korte ang “not guilty plea” para sa kaso ng illegal possession of explosives para kay Teves matapos niyang gamitin ang kanyang karapatang manahimik.
Nahaharap si Teves sa mabibigat na paratang kaugnay ng pagpatay kay Gobernador Roel Degamo at siyam pang iba na naganap sa tahanan ni Degamo sa Pamplona, Negros Oriental, noong Marso 4, 2023. Kasama rin siya sa mga kinasuhan kaugnay sa pagpatay ng tatlong tao sa Negros Oriental noong 2019.
Bukod dito, kasama si Teves at 12 iba pa sa listahan ng Anti-Terrorism Council bilang mga terorista dahil sa mga alegasyon ng pagpatay at pangha-harass sa Negros Oriental.
Noong Agosto noong nakaraang taon, pinalayas si Teves mula sa House of Representatives dahil sa hindi pagsunod sa mga patakaran at madalas na hindi pagdalo.
Pagkatapos ng arraignment, inutos ng korte ang paglilipat ni Teves mula sa NBI detention facility sa New Bilibid Prison papuntang Manila City Jail.
Nanatiling mahigpit ang seguridad sa buong proseso ng arraignment, kung saan pinangalagaan ng mga tauhan ng NBI ang paligid ng gusali ng korte. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)