Home OPINION NSCR NA PAPALIT SA PNR, MAS LIGTAS, MAS MABILIS AT EPISYENTE

NSCR NA PAPALIT SA PNR, MAS LIGTAS, MAS MABILIS AT EPISYENTE

GINAGARANTIYA sa publiko ng DOTr o Department of Transportation na ang NSCR o North-South Commuter Railway na papalit sa kasalukuyang PNR o Philippine National Railways ay mas ligtas, mas mabilis, at mas episyente.

Ang NSCR na may habang 147 kilometers ay magdurugtong sa Metro Manila sa Pampanga sa hilaga at Laguna sa Timog at katulad ng Light o Metro Rail Transit, ito ay nakataas na.

Ginawa ito para maiwasan na ang mga aksidente sa mga tao at sasakyan, gayundin ang pagkaantala ng biyahe kapag dumaraan sa crossings ang mga tren ng PNR. Mayroong 40 railroad crossings mula Tutuban center sa Maynila hanggang Alabang sa Muntinlupa City.

Mabilis din ang biyahe dahil ang mga bagong tren na ipapa­lit ay kayang bumiyahe ng 120 kilometers bawat oras kumpara sa 30 kilometers per hour ng PNR.

Mula rin sa waiting time na umaabot ng 30 minutes sa bawat biyahe ay magiging 10 hanggang 15 minutes na lamang.

Konektado na rin ang NSCR sa LRT Lines 1, 2 at 3, at sa MRT Lines 4 at 7.

At mayroon itong signaling system para sa anomang po­sibleng panganib sa mga riles nito kaya iwas aksidente.

Malaking tulong sa mga estudyante at mga manggagawa na nagtatrabaho sa Maynila ngunit umuuwi sa Pampanga o Laguna dahil mas mababa sa dalawang oras ang biyahe ng NSCR. Kaya inaasahan na malaking populasyon ang mababawas sa pagsisiksikan sa Metro Manila.

Inaasahan na aabot sa 800,000 ang mga pasaherong ma­seserbisyuhan ng bagong train system.

Simula naman March 28, 2024 ay hihinto na sa pagseserbisyo ang PNR at tatagal ito sa loob ng limang taon para bigyang daan ang pagsasagawa ng elevated tracks.

Naghahanda na ang DOTr ng buses na bibiyahe sa mga rutang dinaraanan ng PNR para patuloy na makapagbigay serbisyo sa tinatayang 20,000 na pasahero.

Previous articleNegosyante nalambat sa illegal na pagbebenta ng LPG sa Pasay
Next articlePROTEKTADONG WELL-ORGANIZED CRIME GROUP SA BATANGAS CITY