Home OPINION NUCLEAR PLANT SA PINAS NAPAPANAHON NA

NUCLEAR PLANT SA PINAS NAPAPANAHON NA

PANAHON na upang seryosong tutukan ng mga mambabatas ang paglikha ng batas kaugnay sa pagkakaroon ng Pilipinas ng nuclear power plant lalo’t isa sa mga pangako ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr noon sa kanyang pangangampanya ang layuning magkaroon ng nuclear power plant ang bansa.

Ito ang isa sa nakikitang paraan ng grupong ILAW, isang non-profit organization na naglalayong ipabatid sa mas nakararami ang karapatan ng mga konsyumer sa makatarungan, abot-kaya, at abot-kamay na kuryente sa bansa at sila rin ang nangunguna sa pagbibigay-diin sa mga mahahalagang isyu ng kuryente sa bansa.

Nito nga lang Miyerkules, inilahad ng ILAW, na nagdudulot na ng malaking pagkalugi at pagsasara ng mga negosyo sa apat na bantog na tourist destination sa bansa ang presyo ng kuryente.

Sabi nina ILAW national convenor Beng Garcia at youth convenor Francine Pradez, nakalulungkot na ang mga magagandang lugar na dinarayo, hindi lamang ng mga banyaga, kundi mga lokal na turista, ay dumaranas ng napakahabang blackout at ang masaklap — napakabagal nang pagtugon sa kanilang hinaing ng electric cooperatives.

Ayon pa sa mga ito, hindi lang sa mga malalaki at maliliit na negosyante sa mga naturang isla, kundi maging sa mga ordinaryong mamamayan, inirereklamo nila ang mahabang oras o kung minsan ay araw o linggong pagkawala ng suplay ng kuryente ngunit malamig ang pagtugon sa kanilang hinaing ng kanilang electric cooperative.

Sabi ng mga negosyante, ilang appliances na nila ang nasira dahil sa madalas na nagpa-fluctuate ang kuryente bago tuluyang mawala ang suplay.

Ang masakit pa anila, kapag naantala ang pagbabayad nila ng kuryente dahil sa pagkalugi, kaagad silang pinuputulan ng supply nang wala man lang konsiderasyon sa mga nasira nilang appliances.

Pero ang talagang nakalulunos na resulta ng ganito katagal na blackout sa tourist destinations ay ang paghina ng industriya ng turismo kaya kahit na anong gawin ng DOT na itaguyod ang turismo sa bansa, nawawalan ito ng saysay bunga ng mahabang blackout sa ating mga tourist hubs.

Sabi pa nga ng ILAW, kung magpapatuloy ang ganitong uri ng problema, bababa ang kumpiyansa ng mga mamumuhunan, maaapektuhan ang paglikha ng trabaho, at babagal ang paglago ng ekonomiya sa naturang mga isla.

Panahon na para magkaroon ng nuclear power plant ang bansa, hindi lang para malutas ang problema sa blackout, kundi para bumaba na rin ang bayarin ng mga konsyumer sa konsumo ng kuryente at magagawa ito kung magpapasa ng batas ang Kongreso para makalikha ng nuclear power plant.