Home TOP STORIES “Nurse in Every Barangay Bill” ni  Sen. Villar, suportado ng PNA

“Nurse in Every Barangay Bill” ni  Sen. Villar, suportado ng PNA

111
0

MANILA, Philippines — Nagpahayag ng suporta ang Philippine Nurses Association (PNA), ang pinakamalaking organisasyon ng mga nars sa bansa, sa panukalang Nurse in Every Barangay Act matapos makipagpulong si Sen. Camille Villar sa mga pinuno ng samahan noong Lunes.

Sa pulong, muling iginiit ni Villar ang layunin ng Senate Bill No. 1764 na tiyakin na bawat barangay sa bansa ay magkakaroon ng hindi bababa sa isang rehistradong nars upang tumulong sa paghahatid ng mahahalagang serbisyong pangkalusugan sa komunidad.


Pakikipagpulong ni Sen Camille Villar kina Philippine Nurses Association National President Gian Carlo Torres at PNA VP for Finance Sharon Dimatulac.

“Ang ating mga nars ay kabilang sa pinaka mahusay at dedikadong mga propesyonal sa buong mundo,” ani Villar. “Layunin ng panukalang ito na bigyan sila ng makabuluhang oportunidad na makapaglingkod habang tinitiyak na ang mga komunidad ng mga Pilipino ay may sapat na akses sa maaasahang serbisyong pangkalusugan.”

Ayon sa panukala, maaaring magtalaga ang mga local government unit (LGU) ng karagdagang mga nars depende sa laki ng populasyon at pangangailangan ng kanilang nasasakupan upang mas mapalakas ang serbisyong pangkalusugan sa mga komunidad.

Sa courtesy call at pulong, ipinaabot ni Gian Carlo Torres, PhD, RN, National President ng PNA, ang matibay na suporta ng organisasyon sa panukala. Aniya, malaki ang maitutulong ng naturang batas sa pagpapalakas ng community-based healthcare habang lumilikha ng mas maraming oportunidad sa trabaho para sa mga Pilipinong nars.

Ipinunto ng PNA na ang paglalagay ng nars sa bawat barangay ay makatutulong sa pagsusulong ng kalusugan, pag-iwas sa sakit, at pagpapalawak ng akses ng mga komunidad sa pangunahing serbisyong medikal. Dagdag pa ng organisasyon, magbubukas din ito ng mas matatag na oportunidad sa trabaho at propesyonal na pag-unlad para sa mga nars sa pamamagitan ng paglikha ng mga plantilla positions sa lokal na pamahalaan.

Tinalakay din nina Villar at ng mga opisyal ng PNA ang iba pang hakbang upang higit pang mapaunlad ang kapakanan at career development ng mga Pilipinong nars, kabilang ang pagpapalawak ng mga oportunidad sa propesyon at pagpapatibay ng mga support system sa sektor ng kalusugan.

Sa pahayag ng PNA, mahalagang hakbang ang panukala upang mapabuti ang community-based healthcare at mapalawak ang papel ng mga nars sa preventive care at health education.

Malugod namang tinanggap ni Villar ang suporta ng organisasyon at binigyang-diin ang kahalagahan ng pamumuhunan sa nursing workforce ng bansa upang mapalakas ang paghahatid ng serbisyong pangkalusugan sa antas ng komunidad.

“Patuloy tayong makikipagtulungan sa komunidad ng mga nars upang matiyak na sila ay nasusuportahan, nabibigyang-lakas, at nabibigyan ng pagkakataong umunlad habang naglilingkod sa sambayanang Pilipino,” ani Villar. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here