MANILA, Philippines – Ayon kay Bishop Gerardo Alminaza, ang pagharap ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court sa kumpirmasyon ng kaso sa anti-drug campaign ay hindi dapat tingnan bilang simpleng balita kundi bilang “a moment of moral reckoning.”
“Ang kinakaharap na charges of crimes against humanity sa International Criminal Court ng dati nating Pangulo, Rodrigo Duterte, ay hindi dapat maging simpleng balita; they must be a moral reckoning,” ani Alminaza.
Dagdag niya, “May karapatan ang mga pamilya na maghanap ng accountability sa pamamagitan ng lawful mechanisms, national and international. Truth must prevail. Justice must not be delayed.”
Binanggit ng obispo na ang anti-drug operations ng administrasyon ay naging “machinery of death” at nag-normalize ng impunity, at ang kampanya ay “a war against the poor.”
“Ang unang prinsipyo ng lipunan ay ang dignidad ng tao, walang taong maaaring gawing instrumento, walang taong pwedeng sabihing collateral damage,” ani Alminaza.
Pinuri rin niya ang mga pamilya ng biktima sa kanilang paghahangad ng hustisya: “Sa inyo na ninakawan ng buhay ng mahal niyo, ang gutom ninyo ay hindi lamang para sa tinapay… kayo ay nagugutom sa hustisya at katarungan. Ang gutom na yan ay banal. Ang gutom na yan ay makaturangan.”
Binanggit niya na ang “abundant life” ayon sa ebanghelyo ay hindi dapat nangangahulugang pamumuhay sa takot, kundi seguridad, kapayapaan, at katarungan.
Hinikayat niya ang mga Pilipinong Katoliko na huwag manahimik sa harap ng kawalan ng katarungan: “Kapag may mga bangkay sa kalsada, kapag may mga batang naulila, kapag may mga inang pinipigilang yakapin ang kanilang mismong mga anak sa likod ng police tape, ang katahimikan ay hindi kabanalan. Neutrality in the face of injustice is complicity.”
Inamin ni Alminaza ang kakulangan ng simbahan sa pagtindig laban sa kultura ng pagpatay at humingi ng kapatawaran: “Hindi sapat ang personal na kabutihan kung tahimik tayo sa harap ng sistemang puno ng kasamaan. Kung may pagkukulang ang simbahan, ito ay hindi kami palaging naging sapat na malakas ang boses laban sa kultura ng pagpatay. For this, we repent.”
Aniya, ang mga Pilipino, lalo na ang mga bata, ay karapat-dapat sa isang bansang tumindig sa katotohanan: “Hindi tayo nabubuhay sa tinapay lamang. Nabubuhay tayo sa katotohanan. Nabubuhay tayo sa katarungan. Nabubuhay tayo sa tapang na tumindig. Let this be a moment not only of hunger for justice, but a hunger for a better Philippines.”
Nakasaad na haharap si Duterte sa ICC sa Lunes, Pebrero 23, para sa opisyal na paglalahad ng mga kaso kaugnay ng anti-drug campaign na umabot sa hindi bababa sa 6,000 katao ayon sa opisyal na tala ng gobyerno, ngunit tinatayang 30,000 ang kabuuang bilang ng mga nasawi ayon sa human rights groups. RNT/MND