MANILA, Philippines – Isang 50-anyos na construction worker na may diperensiya sa pandinig ang malubhang nasugatan makaraang barilin ng isa sa apat na holdaper nang lumingon ito sa loob ng kanilang barracks sa Villar City sa Dasmarinas City, Cavite.
Ayon sa report, ginagamot ngayon sa Pagamutan ng Dasmarinas ang biktima na si Alberto Mateo, stay-in sa construction site sa Villar City, Brgy Paliparan 3, ng nasabing lungsod dahil sa tama ng bala sa baba at kanang braso.
Pinaghahanap naman ng pulisya ang apat na suspek na nakasuot ng jacket, naka-bonet at armado ng hindi nabatid na kalibre ng baril.
Base sa ulat, bandang alas-10:00 kamakalawa ng gabi, nasa loob ng barracks ang mga stay-in na construction workers nang biglang pumasaok ang mga suspek na armado ng baril, dito nagdeklara ng holdap at sumigaw na huwag gagalaw.
Dahil sa may problema sa pandinig ang biktima, hindi nito narinig ang sinabi ng mga holdaper habang nagdedeklara ng holdap sa lugar na dahilan upang barilin ito.
Matapos ang naganap na insidente, inisa-isang nilimas ng mga suspek ang pera at gadget ng biktima at kaagad na tumakas matapos ang ginawang pagbaril at pagnanakaw. MARGIE BAUTISTA