MANILA, Philippines – Inilunsad ng Office of Civil Defense (OCD) noong Enero 16 ang isang emergency response task group upang tiyakin ang maayos at ligtas na pagsasagawa ng ASEAN Summit at kaugnay na pagpupulong sa Pilipinas ngayong taon.
Sa seremonya sa Camp Aguinaldo, Quezon City, ipinakita ang kahandaan, koordinasyon, at kakayahan ng Joint Task Group on Emergency Preparedness and Response (JTGEPR).
Binubuo ito ng uniformed services, iba’t ibang ahensya ng gobyerno, at pangunahing institusyon na tututok sa mga malakihang emergency.
Pinangunahan ng AFP ang Search, Rescue, and Response Task Group, na nakikipagtulungan sa PNP, PCG, at BFP para mapanatili ang interoperability at kahandaan ng task group.
Ani AFP Chief of Staff Gen. Romeo S. Brawner Jr., “This shows what can be achieved when the AFP and our partner agencies work together toward a shared goal.”
Binanggit niya ang kahalagahan ng pagkakaisa at operasyon readiness upang maprotektahan ang mga delegado at publiko.
Sa nasabing seremonya, tinanggap ni Brawner ang Certificate of Accreditation para sa 525th Combat Engineer Battalion ng Philippine Army, matapos makumpleto ang National INSARAG Accreditation Process for Urban Search and Rescue.
Ang INSARAG ay isang UN-affiliated network na nagtatakda ng pamantayan at koordinasyon para sa search-and-rescue operations sa mga sakuna tulad ng lindol.
–ASEAN Foreign Ministers’ Meeting (AMM) Retreat: Enero 25–29 sa Cebu City.
–ASEAN Tourism Forum (ATF): Enero 26–30 sa Cebu City.
–48th ASEAN Summit: Mayo 8–9 sa Mactan, Cebu.
–49th ASEAN Summit: Nobyembre 10–12 sa Philippine International Convention Center, Manila.
Kabuuang 208 clustered meetings ang nakatakda ngayong taon.
Ang hakbang ng OCD at AFP ay bahagi ng paghahanda upang masiguro ang kaligtasan ng mga delegado at mamamayan habang ginaganap ang mga mahahalagang pagpupulong sa bansa. RNT/MND