MANILA, Philippines – Lumipad si Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac at OWWA chief Patricia Yvonne Caunan patungong Hong Kong nitong Martes upang personal na bisitahin si OFW Rhodora Alcaraz, na nagpapagaling sa ospital matapos ang sunog sa apartment sa Tai Po.
“Ang atin pong kalihim, Hans Leo Cacdac, ay umalis po kaninang madaling araw para pumunta ng Hong Kong. Dadalwin po nila yung ating mga kababayan na nasa ospital pa din po. Magkakaroon din po sila ng pulong with the labor minister,” ayon kay Undersecretary Dominique Rubia-Tutay.
Ipinahayag ni Tutay ang kalungkutan sa pagkamatay ni OFW Maryan Pascual Esteban at kinumpirma na ang lahat ng ibang Filipino workers ay ligtas na. Dagdag pa niya, tinutulungan ng departamento ang lahat ng apektadong OFWs at ang pamilya ni Esteban.
Noong Linggo, binisita nina Cacdac at Caunan ang pamilya ni Alcaraz sa Cainta, Rizal.
“Sa pagdalaw, tiniyak nina Secretary Hans at Administrator PY na sisikapin ng pamahalaan na maipauwi agad sa Pilipinas ang labi at tutulungan ang pamilya sa lahat ng kinakailangang proseso,” ayon sa OWWA.
“Ipinabatid din nila na ang anak ng OFW ay makatatanggap ng tulong pang-edukasyon hanggang sa kolehiyo mula sa OWWA sa ilalim ng Education and Livelihood Assistance Program,” dagdag pa nito. Dave Baluyot