Home OPINION OFWs SA LEBANON DAPAT NANG UMALIS

OFWs SA LEBANON DAPAT NANG UMALIS

MABUTI at umaaksyon na ang pamahalaang Marcos sa nagaganap sa Middle East na pinangangambahang salakayin ng malawakang digmaan.

Anomang araw, sisiklab ang digmaan sa pagitan ng Israel laban sa Lebanon, Iraq, Syria, Iran at iba pa.

Bunga ito ng magkakasunod na pagpatay ng Israel sa lider ng Hamas na si Ismael Haniyeh sa Tehran, Iran at Hezbollah commander Fua Shukr sa Beirut, Lebanon kamakailan.

Sabi ng Iran, ipaghihiganti nito sina Haniyeh at Shukr at pinaghahandaan na rin ito ng Israel.

Matatandaang may kakayahan ang Israel na atakehin ang lahat ng nasabing bansa ngunit ipinakikita rin ng Israel at mga kaalyado nito sa ibang mga bansa na kaya rin nilang atakehin ang buong Israel.

MGA PINOY PINAMIMILI

Sabi ng pamahalaan, dapat nang umuwi ang mga dapat na umuwi o umalis na mga Pinoy, kasama ang mga overseas Filipino worker, sa Lebanon.

Ang mga hindi pwedeng umalis, dapat na mag-ingat nang todo.

Sinasabing aabot sa 34,000 ang mga Pinoy na nasa Lebanon at mahigit 1,000 na ang umuwi sa Pinas simula nang magsimulang magbakbakan ang Israel at Hezbollah.

Higit na mas maganda sana, mga Bro, kung mag-alok ang pamahalaan ng tulong para mapabilis ang pagdedesisyon at pag-aksyon ng mga Pinoy na gustong lumikas.

Labis na pinangangambahan ang pagsasara ng mga paliparan ng eroplano sa Lebanan anomang oras na sisiklab ang giyera.

Kaya naman, habang may mga lumalapag pang eroplano na namamasahero sa mga paliparan, dapat na umanong samantalahin ito.

Sa katunayan, may mga kompanyang eroplano na ayaw nang magbiyahe papunta mula sa Lebanon sa pangambang madidiskaril ang kanilang negosyo kung may mangyari o may matatamaan ng giyera na kahit isang eroplano nila.

IBA NAGPAPABAKWIT NA RIN

Unang nanawagan ang mga bansang United States, United Kingdom at France sa kanilang mga mamamayan na magbakwit na.

Sumunod na ang Saud Arabia, Canada at Jordan.

Sabi nila, napakadelikado na ang pamamalagi o pamamasyal sa Lebanon dahil sa banta ng giyera.

At ginamit din nila ang problema sa mga airport sa Lebanon na maaaring maparalisa sakali ngang puputok ang giyera.

PASALUBONG AT OBLIGASYON NG GOBYERNO

Maganda naman ang ipinakikita ng pamahalaan para sa mga OFW na umuuwi at nakikinig sa panawagan nitong lisanin ang bansang Lebanon upang maligtas sila sa kamatayan o pinsalang dulot karaniwan ng giyera.

May pasalubong sa mga OFW na cash na pwede nilang pagsimulan kapag nasa bansa na sila at kasama na rin ang pagtulong sa kanila na makahanap ng pagkakitaan sa loob ng bansa.

Kung iisipin, talagang obligasyon ng gobyerno na ayudahan ang mga OFW dahil hindi masukat ang kanilang kontribusyon sa ekonomiya ng buong bansa.

Mahigit isang trilyon ang ipinadadala o remittance nila at hindi lang ang mga pamilya-OFW ang nakikinabang dito kundi ang pamahalaan, lalo na ang pagkakaroon ng dayuhang salapi na gamit ng pamahalaan sa pakikipag-relasyon sa ibang mga bansa.

Halimbawa rito ang dolyar na ipinambabayad ng utang sa mga dayuhang nagpapautang.

Ganyang kahalaga ang mga papel na ginagambapanan ng mga OFW na dapat lang talagang matapat na suklian ng pamahalaan.