SA mismong bibig ni ACT-CIS partylist and deputy speaker ACT Rep. Erwin Tulfo nanggaling na kaduda-duda ang sabay-sabay na paglubog ng tatlong barko sa kasagsagan ng bagyong Carina sa karagatan ng Bataan.
Kaya hirit ng broadcaster-turned lawmaker, dapat imbestigahan ng National Bureau of Investigation ang nasabing sea tragedy para malaman ang katotohanan sa likod ng pangyayaring ito.
Nabanggit din ng kongresista na maaring sangkot ang mga lumubog na cargo ship sa oil pilferage o oil theft kaya marahil hiniling sa NBI na magsagawa ng malalimang imbestigasyon ukol dito.
Hindi natin alam kung ano ang naging basehan sa pahayag, pero bilang beteranong mamamahayag na forte ay investigative journalism, si Tulfo ay matindi ang sources sa pagkalkal ng balita.
Pero saganang atin, hindi lang NBI kundi dapat ay magsagawa rin ng sariling inquiries ang Senado at Kongreso para maiwasan ang cover-up dahil tiyak na may magla-lobby para impluwensyahan ang resulta ng imbestigasyon.
May punto si Tulfo sa pahayag nitong baka sangkot ang tatlong lumubog na barko dahil ang lugar kung saan naganap ang sinking ay ruta ng operasyon ng “paihi” syndicate.
‘Yan ay hindi mapasusubalian ng awtoridad dahil sila mismo ay alam nila sa kanilang sarili na sa lugar na pinaglubugan ng naturang mga barko ay doon nangyayari ang operasyon ng paihi gang.
Mula sa nga pampang ng Batangas o kaya Bataan ay maglalayag ang cargo ship at doon sa lugar kung saan lumubog ang tatlong barko ay mag-aangkorahe habang isinasalin ang kargang puslit na langis sa mga kontak na motorized bancas.
Bulong ng source ng Chokepoint, alam ng Philippine Coast Guard, Philippine Navy at Maritime Police ang oil theft na isinasagawa ng paihi gang sa karagatan na may lima hanggang anim na kilometro lang ang layo sa kalupaan ng Bataan.
Pero sa hindi malamang dahilan ay hindi kumikilos ang tatlong sangay ng law enforcement na ito na ang trabaho’y bantayan ang karagatan pero kabaliktaran ang nangyayari dahil, tila kinukunsinti pa ang masamang gawain ng paihi gang.
Kung bakit ‘di nagagawa ng PCG, PN at MP ang kanilang sinumpaang trabaho, ito’y dahil “Santa Claus” daw si alyas “Boss Violago”, ang tinaguriang paihi king ng Pilipinas. Abangan.