Home OPINION TIPS PARA SA NAMUMUONG BAGYO

TIPS PARA SA NAMUMUONG BAGYO

HABANG isinusulat ang kolum na ito, namataan ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration o PAGASA ang isang low pressure area  na kumikilos sa may bandang Batanes at posibleng manalasa sa Central at Southern Luzon gayundin sa Kabisayaan.

Sa katatapos na Typhoon Carina na kumitil ng maraming buhay at naging perwisyo para sa humigit kumulang na 6 na milyon nating mga kababayan, mas mainam na epektibong makapaghanda muli ang lahat lalo na sa mga lugar na maaapektuhan bago pa man maging ganap na bagyo ang naturang LPA.

Totoo ang kasabihang “ligtas ang laging handa”. Ano nga ba ang mga tip para masiguro ang kaligtasan ng bawat isa?

Dapat nating alamin ang mga hazard sa tag-ulan upang maiwasan ang sakit at aksidente. Mapanganib ang madulas na daan o hagdan; malakas na hangin; madilim na lagusan; baradong alulod, kanal o pusali; manhole na walang takip; naipong tubig sa ibabaw ng mga ginagawang istruktura tulad ng tulay, gusali o bahay; pag-apaw ng dam, ilog, etc.; paglambot ng lupa sa bundok o kapatagan; livewire at marami pang iba.

Ipagpaliban muna ang paglabas ng bahay kapag malakas ang ulan. Kung may kailangang gawin sa labas, iwasan ang paglalakad ng mabilis o pagtakbo para hindi madulas. Gamitin ang handrails sa pag-akyat  at pagbaba ng hagdanan.

Inspeksyuning mabuti ang sasakyan bago bumiyahe. Sa mga motorcycle rider, isuot nang maayos ang helmet.  Magsuot naman ng seatbelt ang driver at pasahero ng kotse, SUV’s, truck, buses at iba pang vehicle. Sundin ang safety signs at huminto lamang sa ligtas na lugar kung masyadong malakas ang ulan at hangin.

I-report sa kinauukulan ang mga baradong alulod, kanal o pusali gayon din ang mga manhole na walang takip. Gawan din ng aksyon ang mga naipong tubig at maruming lugar na maaaring pamahayan ng lamok. I-park ang sasakyan sa mas mataas na lugar.

Maging alerto sa posibleng landslide at storm surge. Makatutulong ang pagkakaroon ng ‘Go-Bag kit’.  Ihanda ang pamilya sa posibleng ‘emergency evacuation’ lalo na kung malapit ang bahay sa bundok, dagat, ilog at dam. Alamin ang emergency hotline, lokasyon ng evacuation area at iba pang dapat dalhin sa paglikas in case of emergency.