WALA nang iba pang mas nakaka-inspire sa ngayon kundi ang makasaysayang tagumpay ng Pinoy super athlete na si Carlos Yulo para sa bansa: 2 Gintong medalya sa Olympics.
At kung pakaiisipin, bago magkampeon sa Olympics ang Pinay weightlifter na si Hidilyn Diaz sa Tokyo 2020 (ang Olympics na idinaos ng 2021 dahil sa pandemya), hindi alam ng ating bansa kung ano ang pakiramdam nang makasungkit ng gintong medalya.
Natagalan pa rin bago natin napagtanto kung ano ang kinakailangan ng ating national sports program para makatikim ng panalo ng medalya at mas matagal pang panahon, kasabay nang pagkamulat sa globalization, para isulong ang kinakailangan: ang karanasan sa mga pandaigdigang pagsasanay at kaganapan.
Kahit hanggang ngayon, karamihan sa ating world-class athletes ay nagpapatotoo sa kapangyarihan ng matinding pagsasanay at determinasyon. Iilan lang ang maswerte na mayroon nang strategic investments na kinakailangan upang sila ay magkampeon.
Ngayong nakikilala na natin ang tulad ni Caloy Yulo at ang kanyang kamangha-manghang tagumpay sa Paris, dapat na tuntunin at pag-aralan ng gobyerno ang kanyang mga kinailangang pagdaanan patungo sa pagtatagumpay, at maging handang gayahin ang formula na iyon sa mga programang pinaglalaanan ng pondo, hindi lamang para sa pinakamahuhusay nating atleta, kundi para sa pambansang programa para sa ating kabataan.
Naniniwala ang Firing Line na ang isang malakas at aktibong youth sports program ay nakatutulong laban sa ilan sa mga isinusumpa kong problema ng lipunan: iligal na droga at matinding pagka-woke.
Lilinawin ko lang, pinupuri ko ang pagpupursige ng gobyerno na iangat ang kalidad ng ating sports development programs. Marahil, karapat-dapat pa ngang banggitin na ang tagumpay ni Yulo at ng iba pang atletang Pilipino na sumabak sa Paris 2024 ay sumasalamin sa unti-unti nang pagiging epektibo ng sports programs natin sa nakalipas na mga taon.
Shoutout kay Paranaque Representative Gus Tambunting, halimbawa, na nagpursige ng institutionalization ng Philippine National Games sa pamamagitan ng House Bill 8468. Masasabing kasing halaga ng ginto ang pagsisikap na ito ng Kongreso dahil importante ang grassroots sports development sa pagtukoy at pagpapahusay sa mga susunod nating Olympians.
Ipinanukala rin ni Tambunting sa House Bill 6746 ang pagdaragdag ng mga insentibo para sa mga atleta at coach bilang pagkilala sa kanilang pagsisikap at dedikasyon sa pagsasanay — na lubhang kinakailangan upang mamayagpag sa napiling sports. Sa pagkakaloob ng suporta sa ating mga atleta, hindi lang sa aspetong pinansyal, kundi maging sa pagkakaroon ng maayos na sistema sa pagbibigay ng insentibo, maaaring ipagpatuloy ng Pilipinas ang pinakabagong tagumpay ng bansa, siyempre pa, sa pangunguna ni Yulo.
Natural lang na ulanin ng mga biyaya ang ating Golden Boy sa pagbabalik niya sa Maynila, at kalakip ng mga ito ang sangkatutak na insentibong deserve naman niya. Maraming netizens sa ngayon ang napapa- “Sana all!” na lang. Pero para sa akin, “Sana tax-free.” Sana naman ay tumupad na at magiging galante ang gobyerno sa ipinangako nito, inaasahang ang lahat ng gantimpalang ito ay mapupunta sa ating kampeon at sa iba pang Olympians na nag-uwi ng mga medalya.
Sang-ayon ako kay Tambunting, na may akda ng House Bill 5067 — at naniniwala akong marami sa inyo ang makakaintindi na ito ay napapanahon at kinakailangan — upang makapagpatupad ng tax exemptions sa mga donasyong direktang inilalaan sa pag-aangat ng kalidad ng sports.
Kung gagawin natin ito, hindi lamang tayo magbibigay ng kinakailangang suportang pinansiyal sa ating mga atleta kundi lilikha rin tayo ng isang mas sustainable model sa pagpapahusay ng sports sa bansa.
Ang probisyon ng panukala na nagsasabing huwag nang buwisan ang mga ganitong donasyon ay isang estratehiya na maaaring magbunsod upang dumami pa mula sa pribadong sektor ang magkaloob ng pondo at tutulong sa pagpapahusay ng sarili nating mga atleta.
* * *
SHORTBURSTS. Para sa mga komento at reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X.