Home OPINION “ANGKAS” RIDERS MIYEMBRO NA NG SSS

“ANGKAS” RIDERS MIYEMBRO NA NG SSS

LUMAGDA sa isang MOA o memorandum of agreement ang Social Seurity System (SSS) at ang Angkas para sa pagkakaloob ng social protection sa tinatayang 30,000 riders nito sa Metro Manila, Metro Cebu, at Cagayan de Oro city.

Pinangunahan nina SSS president and chief executive offi­cer Rolando Ledesma Macasaet at Angkas CEO George Ilagan Royeca ang paglagda sa kasunduan.

Ikinatuwa ni PCEO Macasaet ang naging inisyatiba ng ri­ding company para maseguro ang kinabukasan ng mga rider nito na itinuring ng kompanya bilang partners lalo pa’t “high risk” ca­tegory ang propesyon ng mga ito na araw-araw na humaharap sa panganib ng lansangan para maihatid ang mga komyuter lalo na ang mga manggagawa sa kanilang mga pinapasukan.

Tinawag ng SSS at Angkas ang kanilang pagtutulungan bi­lang “AngkaSSS na sa Protektadong Bukas” na umaayon sa ha­ngarin ng social insurer na mabigyan ng social security coverage at old-age pension ang mga manggagawang Filipino.

Hinihikayat din ni PCEO Macasaet ang ride-sharing at food delivery platform companies na tularan ang Angkas na nagmalasakit sa partner riders nito.

Ayon kay SSS Senior vice president for National Capital Region Operations Group Maria Rita Aguja, ang Angkas riders ay ituturing bilang “self-employed” at makikinabang sa sickness, maternity, disability, retirement, funeral, at death benefits.

Maaari rin silang mag-aplay ng salary at calamity loans para sa kanilang kagyat na pangangailangan.

Sakop din sila ng coverage ng Employees’ Compensation na may hiwalay na benepisyo para sa sickness, disability o death.

Ang Angkas ang siyang magsisilbing authorized coverage and collection partner ng SSS. Ito ang mangongolekta ng buwanang kontribusyon ng mga riders at i-remit sa SSS.

Sa kasalukuyan, ang contribution ay nasa 14 percent at ang basehan ng monthly salary credit para sa kontribusyon ay mula Php 4,000.00 hanggang Php 30,000.00 para sa mga self-employed.

Ang pinakamaliit na kontribusyon ay Php 570.00 kung saan Php 560.00  ay napupunta bilang SSS contribution habang ang Php 10.00 ay EC contribution.

Ang pinakamalaking kontribusyon naman ay nasa Php 4,230.00 na nahahati sa Php 2,800.00 na SSS contribution, Php 30.00 bilang EC contribution, at ang Php 1,400.00 ay para sa mandatory My.SSS Pension Booster.

Kung ang isang Angkas driver ay kumikita ng Php 13,000.00 sa isang buwan, ang kanyang magiging kontribusyon ay Php 1,830.00.

Ang mga kumikita naman ng Php 20,250.00 o higit pa ay may kontribusyon din sa My.SSS Pension Booster na mula Php 70.00  hanggang Php 1,400.00.