SA imbitasyon ng humanitarian doctor at aking kaibigan na si Dr. Robert Sy ay nag-obserba ang inyong Agarang Serbisyo Lady sa isinagawang medical mission ng OHANA Medical Mission, Inc. – Philippine Medical Association, Hawaii, nitong nagdaang Enero 11, 2026, na ginanap sa Siloam Christian Academy, Barangay Payatas, Quezon city, na para sa mga residente ng nasabing lugar.
Kapag binabanggit ang “Payatas,” kaagad na pumapasok sa ating kaisipan ang mga salitang kakulangan, kasalatan, at pangangailangan. Sa naganap na medical mission, nakita ng inyong Agarang Serbisyo Lady ang pag-asa, pagmamalasakit, at sama-samang pagkilos para makatulong sa daan-daang residente ng komunidad.
Nagmula pa sa Hawaii, United States ang grupong PMAH maliban kay Dr. Sy at iba pang mga boluntaryo. Ang Payatas na ang kanilang ika-limang nabisitang lugar ngayong taon 2026, nauna na silang naghatid ng misyon sa Calabanga, Nabua, Ragay, at sa Naga city. Lubos akong humahanga sa organisasyon sa kanilang malalim na malasakit sa mga nangangailangan ng medikal na atensyon.
Nagkaroon ang inyong lingkod na makapanayam si Dr. Ferdinand Cercenia, ang siyang head, Philippine mission, at siyang chairperson ng committee on medical mission ng PMAH. Nasa tatlong dekada na nilang ginagawa ang pagtungo sa mga lugar gaano man kalayo na alam nilang salat ang pamayanan. Mula sa kanilang sariling bulsa at mga donasyon ang kanilang ginagamit na pangtustos para sa pagsasagawa ng misyon.
Kapuri-puri ang mga volunteer na mga doktor, nars, at non-medical staff na buong pusong naglaan ng oras at lakas para maibsan ang karamdaman ng ating mga kababayan.
Maaga pa lamang diumano ay nag-aantabay na ang mga residente, nakita ko ang senior citizens, mga Nanay na kasama ang kanilang mga anak, at mga kabataan na maagang may iniindang karamdaman.
Siyempre pa, tinutukan ni Dr. Sy ang pag-opera sa mga may bukol o sebaceous cyst na bagaman karaniwang hindi masakit ay nakakaapekto naman sa kumpiyansa ng isang indibidwal.
Sa kabuuan, hindi lamang konsultasyon, minor operation, at libreng gamot ang naibigay sa mga residente ng Payatas kundi naipadama sa kanila na may mga nakakakita sa kanila at may nagmamalasakit.
Ang bawat pagsusuri ng presyon ng dugo, pakikipag-usap tungkol sa tamang nutrisyon, at simpleng paliwanag hinggil sa pag-inom ng gamot ay nagiging tulay ng tiwala sa pagitan ng komunidad at ng sektor ng kalusugan.
Malinaw sa inyong lingkod na ang OHANA Medical Mission ay hindi basta isang isang-araw na aktibidad kundi isang paalala kung gaano kalalim ang pangangailangan ng mga komunidad tulad ng Payatas sa patuloy at makataong serbisyong pangkalusugan.
Marami sa mga pasyenteng nakausap ko ang umaamin na ngayon lamang muli nakapagpakonsulta matapos ang ilang taon, hindi dahil ayaw nila, kundi dahil wala silang kakayahan o pagkakataon.
Nawa ay lalo pang tumatag ang OHANA at PMAH para maipagpatuloy pa nito ang paghahatid ng agarang lunas at pag-asa sa ating mga kababayan lalong-lalo na para sa mga nasa laylayan ng ating lipunan.






