Isa na namang panibagong pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo ang sasalubong sa mga motorista sa susunod na linggo, na magiging ikatlong sunod na pagtaas ngayong 2025, ayon sa Department of Energy (DOE).
Batay sa pandaigdigang trading, inaasahang tataas ang presyo ng gasolina, diesel, at kerosene sa mga sumusunod na halaga:
Gasolina: ₱1.35 hanggang ₱1.60 kada litro
Diesel: ₱2.30 hanggang ₱2.60 kada litro
Kerosene: ₱2.30 hanggang ₱2.50 kada litro
Sinabi ni DOE official Rodela Romero na ang pagtaas ng presyo ay dulot ng bagong mga parusa ng US at UK sa langis ng Russia, na magdudulot ng kakulangan sa suplay at maaaring magpataas ng presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado.
Noong Enero 14, 2025, tumaas na ang presyo ng gasolina at kerosene ng ₱1.80 kada litro, habang ₱2.30 naman ang itinaas ng diesel. Sa Metro Manila, ang presyo ng gasolina ay nasa pagitan ng ₱52.25 hanggang ₱75.62 kada litro, diesel sa ₱49 hanggang ₱65.85, at kerosene sa ₱70.91 hanggang ₱82.20.
Nag-aanunsyo ang mga oil company ng opisyal na pagbabago sa presyo tuwing Lunes, na ipinatutupad kinabukasan. RNT