Home HOME BANNER STORY Oil price rollback sa sunod na linggo, nagbabadya

Oil price rollback sa sunod na linggo, nagbabadya

3
0
IMG_20260616_093204_017.jpg

MANILA, Philippines — Malaki ang posibilidad na magpatupad ng bawas-presyo sa produktong petrolyo sa susunod na linggo kasunod ng inanunsyong paunang kasunduan sa kapayapaan sa pagitan ng Estados Unidos at Iran, ayon sa Department of Energy (DOE).

Sinabi ni DOE Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad na tila mababa na ang posibilidad ng panibagong pagtaas sa presyo ng langis dahil sa mga positibong pag-unlad sa sitwasyon sa Gitnang Silangan.

“Mukhang malabo na hong tumaas. Bagkus, kung may magagandang balita, may developments ay inaasahan ho natin na magbaba tuloy ‘yung epekto sa price,” ani Abad sa panayam ng state-run media na PTV nitong Huwebes.

Ayon kay Abad, maaaring bumaba sa P70 hanggang P80 kada litro ang presyo ng mga produktong petrolyo. Sa kasalukuyan, nasa P74.60 hanggang P93.30 kada litro ang presyo ng diesel sa National Capital Region, habang nasa P72.10 hanggang P93.90 kada litro naman ang unleaded gasoline.

Ipinaliwanag ng DOE na bumaba ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado dahil sa inaasahang muling pagbubukas ng Strait of Hormuz, isang mahalagang ruta ng mga oil shipment sa buong mundo.

Patuloy umanong minomonitor ng ahensya ang sitwasyon at umaasang maibabalik sa antas na P50 hanggang P60 kada litro ang presyo ng langis kung mananatiling epektibo ang kasunduan ng US at Iran.

“Tuloy pa rin po ang ating pagbantay kung lalala ito. But kung hindi na ho at may 2 months ho o 60 days na sinasabi na compliance period ‘yong US and Iran doon sa mga conditions ng kanilang agreement, pag na-sustain ho ‘yon, mukhang magtutuloy-tuloy na ho tayo na muling maibabalik natin ‘yong level ng price at level ng supply before the crisis,” dagdag niya.

Tiniyak din ng DOE na nakahanda ang mga contingency measure, kabilang ang karagdagang pagbili ng suplay ng langis ng Philippine National Oil Company (PNOC) at pagpapatuloy ng fuel subsidy program para sa mga driver ng pampublikong sasakyan.

Batay sa datos ng ahensya, mahigit P103 milyon na ang naipamahaging subsidiya sa mahigit 62,000 driver sa buong bansa sa pamamagitan ng pondo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) hanggang Hunyo 10. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here