Home SPORTS Olympians Finnegan, Malabuyo hindi naisama sa Heroes’ Parade; ‘di umano nasabihan

Olympians Finnegan, Malabuyo hindi naisama sa Heroes’ Parade; ‘di umano nasabihan

Sa kabila ng mga komento nina gymnast Aleah Finnegan at Emma Malabuyo sa social media na nagsasabing hindi nila alam ang welcome ceremony na ginanap noong Martes sa Palasyo ng Malacañang, sinabi ng Presidential Communications Office (PCO) na imbitado ang lahat ng Filipino Olympians sa event.

Tumugon si Finnegan sa isang komento sa social media na nagtatanong kung bakit hindi dumalo sa seremonya ng pagtanggap.

Sinabi niya: “Hindi kami na-inform tungkol sa kaganapan.” In a different social media exchange, ani Malabuyo. “Gusto kong pumunta pero hindi nila sinabi sa akin.”

Sa public briefing ng Bagong Pilipinas Ngayon, tinanong si Assistant Secretary Dale de Vera tungkol sa impormasyon na hindi imbitado sina Finnegan at Malabuyo sa event.

Paliwanag ni De Vera, habang imbitado ang lahat, hindi direktang ipinaabot ng Malacañang ang imbitasyon sa mga atletang Pinoy.

Nabanggit din niya na sina Finnegan at Malabuyo ay kabilang sa mga Olympian na dumiretso sa kanilang mga susunod na kompetisyon.

”Hindi natin masasabi na hindi na-invite (hindi natin masasabing hindi sila imbitado), lahat ng atleta, lahat ng Paris Olympians mula sa Pilipinas ay naimbitahan na dumalo sa seremonya sa Palasyo. Pero ‘yun nga po, linawin natin (pero linawin natin) the invitations were coursed through the Philippine Olympic Committee and the Philippine Sports Commission at hindi po siya directly to the athletes,” wika nito.

”Ipinaalam sa amin na limang atleta ang direktang pinalipad sa kanilang susunod na kompetisyon. Ang apat po sa kanila ay lumipad papunta sa US at ‘yung isa naman ay may competition sa Scotland. Kasama po ang ating gymnast na sina Aleah Finnegan at Emma Malabuyo doon sa mga may competition o pumunta ng US right after the Paris Olympics,” dagdag pa nito.

Samantala, sinabi ng Philippine Olympic Committee na ang alam lang nila ay maagang umalis ang mga atleta at maipaliwanag ng kanilang National Sports Association (NSA) ang sitwasyon.

“‘Yung NSA na lang nila ang mag-explain doon. Wala naman kami, ang alam kasi umalis na sila ng maaga,” ani POC president Abraham ‘Bambol’ Tolentino.

Ang Pilipinas ang lumabas bilang pinakamahusay na Southeast Asian team sa Olympics matapos isara ang Paris 2024 na may apat na medalya.

Tinapos ng bansa ang Summer Games sa 37th spot na may dalawang gintong medalya mula kay Yulo, na namuno sa men’s floor exercise at vault, at dalawang bronze medals sa kagandahang-loob nina Petecio at Villegas.JC