MANILA, Philippines – Nanawagan si Ombudsman Jesus Crispin Remulla nitong Martes na ang laban kontra korapsyon sa bansa ay hindi dapat huminto sa pananagutan lang, kundi kailangan ding itaguyod ang sistematikong reporma.
Ginawa niya ang panawagang ito sa kanyang talumpati bilang keynote speaker sa forum na Sikhay Laban sa Korapsyon bilang paggunita sa International Anti-Corruption Day.
“Ang korapsyon ay pumatay — hindi lang sa simbolo kundi literal. Kailangan nating tiyakin na hindi na mauulit. Ang pananagutan ay mahalaga, pero hindi sapat,” ani Remulla.
“Dapat ayusin natin ang sistema na pinagmumulan ng korapsyon. Huwag lang itanong kung sino ang may sala, kundi kung ano ang dapat baguhin. Kung walang reporma, pareho pa rin ang mga abuso sa bagong pangalan at mukha,” dagdag niya.
Ipinahayag din niya na layunin ng Ombudsman na magsagawa ng reporma sa kanilang tanggapan bago mag-February ng susunod na taon, kasama ang digitalization at mabilis na aksyon sa bawat araw ng trabaho.
“Ipapatupad natin ang modernisasyon. Dito nawawala ang ebidensya kapag mahina ang datos at paper trails. Kaya tayo ay gumagawa ng fully digital database, digital forensics, tamper-proof networks, AI-supported verification, at secure investigative workflows,” paliwanag ni Remulla.
“Ang opisina ng Ombudsman ay hindi magiging talaan ng politika. Bawat araw, may dapat gawin upang labanan ang korapsyon. Ang korapsyon ay nananalo kapag mabagal ang gobyerno.”
Samantala, sinabi ni Pasig City Mayor Vico Sotto na dahil malalim na ang korapsyon sa kultura ng mga Pilipino, kailangan itong harapin, maliit man o malaking hakbang.
“Kung isang politiko na may mabuting intensyon ay mas madaling maligaw sa tama. Hindi lang politiko, pati ibang propesyon, mas madalas mas madaling lumihis kaysa gawin ang tama,” ani Sotto.
“May pag-asa pa, pero unang hakbang ay kilalanin ang problema at humanap ng solusyon, maliit man o malaki. Halimbawa, nang sinabi naming walang SOP at walang kickback, bumaba ang presyo ng proyekto ng gobyerno ng 20% hanggang 50%. Kapag gumawa ang lahat ng parte nila, darating tayo sa punto na hindi na tatanggapin ang korapsyon sa Pilipinas,” dagdag niya. RNT/MND