Home NATIONWIDE ‘One principal-one school’ policy target ng DepEd

‘One principal-one school’ policy target ng DepEd

MANILA, Philippines – Plano ng Department of Education (DepEd) na ipatupad ang polisiya ng isang punong-guro sa bawat paaralan matapos matuklasan sa ulat ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) na may higit 24,000 pampublikong paaralan ang walang school head.

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, isusulong ang promosyon at reclassification ng mga Head Teacher at Teacher-in-Charge bilang pormal na principal.

Binago rin ang kasalukuyang polisiya upang matiyak na bawat paaralan ay magkakaroon ng sariling punong-guro.

Magsasagawa rin ng pagsusuri ang DepEd sa distribution ng mga kwalipikadong principal sa iba’t ibang rehiyon upang matugunan ang kakulangan sa ilang lugar.

Sisiguraduhin din ang patas na reallocation ng mga principal upang hindi matambakan ang isang rehiyon habang kapos ang iba.

Bukod dito, decentralized na ang National Qualifying Examination for School Heads (NQESH) upang mas madaling ma-access ng mga guro.

Pinag-aaralan din ng DepEd ang mas madalas na pagsasagawa ng pagsusulit at pagpapalawak ng training programs para sa mga nais maging principal.

Mahalaga ang tungkulin ng isang punong-guro sa pagpapatakbo ng paaralan, pagpapatupad ng mga polisiya, at pagpapabuti ng kalidad ng edukasyon sa bansa. RNT