MANILA, Philippines – Nagbabala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na titigil ang operasyon ng gobyerno kung papabor ang Korte Suprema (SC) sa mga petisyoner na kumukuwestiyon sa konstitusyonalidad ng 2025 General Appropriations Act (GAA).
Sa kanyang talumpati sa Cebu City, sinabi ni Marcos na ang petisyon ay bahagi umano ng destabilisasyon laban sa kanyang administrasyon.
“No, we shut down everything. I guess that’s what they want. They want the government to cease working. so ‘yung matuloy ‘yung kanilang mga destabilization na ginagawa,” ani Marcos.
Ang petisyon, na isinampa nina Davao Rep. Isidro Ungab, dating Executive Secretary Vic Rodriguez, at iba pa, ay nagsasabing may paglabag sa Konstitusyon, kabilang ang umano’y blangkong pondo sa bicameral report. Kabilang sa mga respondent sa kaso sina House Speaker Martin Romualdez, Senate President Francis Escudero, at Executive Secretary Lucas Bersamin.
Gayunpaman, sinabi ni Marcos na kumpiyansa siya sa kanilang legal na paninindigan, batay sa payo ni Solicitor General Menardo Guevarra, na iginiit na nasa matibay na pundasyon ang konstitusyonalidad ng 2025 budget. Inaasahan pa ang magiging desisyon ng SC sa usaping ito.