Home NATIONWIDE P29/kg bigas ng DA mabibili na sa piling supermarkets

P29/kg bigas ng DA mabibili na sa piling supermarkets

MANILA, Philippines – Nakipag-ugnayan ang Department of Agriculture (DA) sa MerryMart Groceries Centers Inc. upang palawakin ang Kadiwa ng Pangulo (KNP) Rice for All (RFA) at P29 programs, na naglalayong magbigay ng murang bigas sa mga Pilipino.

Pumirma sina Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. at MerryMart President Ferdinand Sia ng kasunduan sa Pasay City noong Biyernes. Sa ilalim nito, magbebenta ang MerryMart ng RFA rice mula DA, kabilang ang RFA 5 (PHP45/kg), RFA 25 (PHP38/kg), RFA 100 (PHP36/kg), at ang P29/kg rice stock para sa mga nangangailangang sektor.

Ilulunsad din ng MerryMart ang MerryRice program, kung saan maibebenta ang well-milled rice sa halagang PHP29/kg sa loob ng dalawang buwan. Pwedeng bumili ang mga mamimili at retailers ng 50-kg sako sa halagang PHP1,450 sa pamamagitan ng MM Wholesale app, na may libreng delivery para sa PHP10,000 pataas na order.

Tatagal ang programa mula Pebrero 1 hanggang Marso 31 sa mga piling lugar kabilang ang Metro Manila, Cavite, Laguna, Rizal, Bulacan, Tarlac, Pangasinan, Nueva Ecija, Zambales, Bataan, at Pampanga. Kasabay nito, nag-aalok din ng sample rice ang DA sa iba pang supermarket gaya ng Robinsons, SM, Landmark, Puregold, at 7/11 para sa posibleng pagsali sa programa. RNT