Home NATIONWIDE One-time condonation sa mga utang ng magsasaka, pinasasabatas

One-time condonation sa mga utang ng magsasaka, pinasasabatas

(c) Cesar Morales

Pinangunahan ni Senador Cynthia Villar, chairperson ng Committee on Agriculture, Food, at Agrarian Reform, ang isang public hearing noong Enero 28, 2025, ukol sa Senate Bill No. 2744 at House Bill No. 5702.

Ang mga panukalang batas na ito ay naglalayong imandato ang isahang pagpapatawad o pag-ilibre ang hindi nabayarang interes, multa, surcharge, at iba pang mga singil sa mga utang ng mga magsasaka, mangingisda, at mga benepisyaryo ng agrarian reform.

Inirerekomenda ng panukala na isama sa pagpapatawad ang mga utang na mahigit sampung taon na mula sa mga ahensiya tulad ng Department of Agrarian Reform (DAR), Department of Agriculture (DA), People’s Credit and Finance Corporation (PCFC), Cooperative Development Authority (CDA), National Food Authority (NFA), at QUEDANCOR.

Ayon kay Villar, ang panukalang batas ay nakatutok sa mga agricultural at agrarian reform loans.

Sa isang naunang pagpupulong, tinalakay ng komite ang kalagayan ng mga utang na ito, ang halaga ng hindi nabayarang utang, at ang mga benepisyaryo.

Sinabi ni Villar na magsusumite ang mga kaugnay na ahensiya ng listahan ng mga may hindi nabayarang utang, pati na rin ang mga uri ng utang at kung may mga collateral o wala. RNT