MANILA, Philippines – Nagbabala si Senador Sherwin Gatchalian na lalo pang lumalala ang problemang pinansyal ng mga Pilipinong nalulong sa online gambling dahil sa online lending apps (OLAs) na nagpapalubog sa kanila sa utang.
“Nalulong na sa online gambling, pinagsasamantalahan pa ng lending apps,” ayon kay Gatchalian, na binanggit ang mga ulat ng mga taong umaasa sa OLAs para makautang.
Aniya, nag-aalok ang mga app na ito ng mabilis pero mahal na pautang, na ginagamit para ipagpatuloy ang pagsusugal at pambayad sa dating utang. Maraming nagkukumpisal online na OLAs ang huling takbuhan nila.
Naghain si Gatchalian ng resolusyon para imbestigahan ang paglaganap ng OLAs at ang kanilang abusadong koleksyon ng utang, tulad ng harassment, public shaming, at pag-access sa personal na datos. Hinimok niya ang mga ahensya na higpitan ang laban sa ilegal at mapagsamantalang OLAs. RNT