Home Uncategorized Online renewal ng driver’s license bubuksan sa OFWs

Online renewal ng driver’s license bubuksan sa OFWs

SINABI ng Land Transportation Office (LTO) na malapit nang maging available ang online renewal ng driver’s license para sa mga overseas Filipino workers (OFWs) at iba pang Pinoy na naninirahan sa ibang bansa matapos mangako ang LTO na tatapusin ang online platform ngayong taon.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II na ang online renewal platform ay ilulunsad sa Taiwan sa Setyembre ng taong ito at inaasahang magiging available para sa iba pang OFW at iba pang Filipino sa buong mundo sa loob ng taong ito.

“Ang buong online renewal ng driver’s license ay naglalayon upang mapagaan ang pasanin ng mga OFW sa pakikipagtransaksyon sa LTO dahil matagal na silang naghihintay bago maging valid muli ang kanilang lisensya,” ani Mendoza.

“Inaasahan naming ganap na maipatupad ito sa loob ng taong ito. Kapag naipatupad na ng buo, malaking tulong talaga ito sa lahat ng ating mga kliyente, lalo na sa mga OFW, dahil hindi na nila kailangang pumunta sa ating mga opisina o maghintay ng kanilang pagbabalik sa Pilipinas para mag-renew ng kanilang driver’s license,” dagdag pa nito.

Nabatid pa kay Mendoza na kasalukuyang nakikipagtulungan sila sa Department of Migrant Workers (DMW) sa mga bagay na may kaugnayan sa koordinasyon at kooperasyon upang mapakinabangan ang paggamit ng mga digital platform para sa pag-renew ng lisensya sa pagmamaneho.

Ang hakbang na ito ay inaasahang magiging malaking tulong sa pagtulong sa mga OFW, dahil sinabi ni Mendoza na ang lisensya sa pagmamaneho ng Pilipinas ay kinikilala sa buong mundo.

Kaugnay nito pagkatapos ng Taiwan, sinabi ni Mendoza na nakikipag-ugnayan sila sa DMW para palawakin ang digital technology sa Middle East, Europe, United States at iba pang bansang may malaking populasyong Pilipino. (Santi Celario)