MANILA, Philippines – Arestado ng Anti-Cybercrime Group (ACG) ng Philippine National Police ang isang indibidwal sa Valenzuala City na nagbebenta ng pekeng driver’s license at person with disability (PWD) IDs.
Sa press conference nitong Huwebes, Mayo 22, sinabi ni ACG chief Police Brigadier General Bernard Yang na inilunsad ang entrapment operation laban sa suspek noong nakaraang linggo.
“Last week po, tayo ay nagsagawa ng entrapment operation laban sa isang babae doon sa Valenzuela City kung saan ito ay nagbebenta online ng driver’s license, at hindi lang driver’s license, kundi yung ID ng PWD,” ani Yang.
“Ito ay dahil sa patuloy ang aming pagsasagawa ng cyber-patrolling at nakikita po natin kung ano-ano ang binibenta roon, mga panloloko ng ating kababayan sa ating kapwa kababayan din,” dagdag pa niya.
Nahaharap ang suspek sa reklamong 10 counts ng falsification by private individuals at paggamit ng falsified documents sa ilalim ng Revised Penal Code in relation to Cybercrime Prevention Act.