MANILA, Philippines – Nag-isyu ng preventive suspension ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) laban sa operator ng bus na nasangkot sa banggaan sa Guadalupe Station ng EDSA Busway.
Sa pahayag, sinabi ng LTFRB na nag-isyu ito ng suspensyon laban sa Earthstar Express Inc. sa banggaan na nagdulot ng pagkasugat ng 31 pasahero.
“A show cause order was also issued against Earthstar, ordering the firm to explain why its franchise should not be revoked,” anang ahensya.
Sa inisyal na ulat, nawalan ng preno ang Earthstar bus at bumangga sa isa pang bus na pagmamay-ari naman ng Admiral Transport Inc. habang nagsasakay ng pasahero sa Guadalupe Station.
Sugatan dito ang walong pasahero ng Admiral bus at 23 pasahero naman mula sa Earthstar bus.
Nanawagan ang LTFRB sa insurance firm na Passenger Accident Management and Insurance Agency (PAMI) na bisitahin ang ospital kung nasaan ang mga pasahero at bayaran ang hospitalization expenses ng mga ito.
Sa kabilang banda, inatasan din naman ng Land Transportation Office (LTO) ang drayber ng dalawang bus na humarap sa Intelligence and Investigation Division (IID) at ipaliwanag kung bakit hindi sila dapat kasuhan ng reckless driving at bawian ng lisensya.
Kasalukuyang nasa ilalim ng preventive suspension ng 90 araw ang lisensya ng dalawang drayber. RNT/JGC