MANILA, Philippines- Sinabi ng Philippine National Police (PNP) na makikipagpulong ito sa Commission on Elections (Comelec) upang talakayin ang “Oplan Katok.”
Sa ilalim ng inisyatiba, magsasagawa ang kapulisan ng house visitations upang payuhan ang gun owners na may expired licenses na mag-apply para sa renewal at hikayatin silang isuko ang kanilang unlicensed firearms upang ipatago ito.
Nauna nang sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na dapat itigil ng PNP ang implementasyon ng Oplan Katok, nagbabala na maaaring magamit ang programa para takutin ang mga botante at kandidato sa election period.
Subalit, iginiit ni PNP Chief PGen. Rommel Francisco Marbil na ang Oplan Katok ay parte ng “regular functions” ng kapulisan.
“I’ll discuss it with the Chairman kasi normal na police duty natin ang Oplan Katok. Continuous po iyan. Ang purpose po niyan is really to account the firearms. ‘Yan ang cause ng violence,” pahayag ni Marbil sa panayam sa Camp Crame.
“Ang kinakatok lang po namin ang unregistered firearms. Ang kinakatok namin ang may mga baril na hindi registered kasi kung hindi maregister, you have to get ang baril na yun,” dagdag niya.
“It’s not prohibited by the elections kasi trabaho talaga ng pulis namin na i-locate ang firearms at i-account ang firearms,” wika niya. “Tuluy-tuloy po iyan. Hindi pinagbabawal ‘yan kasi normal police duty po iyan.”
Sinabi naman ni PNP spokesperson PBGen. Jean Fajardo na makikipag-usap ang PNP sa Comelec upang talakayin ang usapin sa Martes.
“Every Tuesday kasi merong committee hearing ang Committee on Security and Ban on Firearms chaired by Commissioner Ferolino. I was informed earlier ni General Nick Salvador na kasama sa discussions sa Tuesday ang issue ng Oplan Katok,” ani Fajardo.
Nag–isyu ang PNP ng mahigit 620,000 notices sa gun owners na may expired firearms licenses noong 2024.
Sa kasakuluyan, halos 17,000 ang nag-renew na ng kanilang gun licenses. Bukod dito, 11,000 baril ang itinurn-over sa kapulisan.
Hanggang January 16, 391,938 gun registrations ang binawi. RNT/SA