MANILSA, Philippines- Walang maitim na balak ang pamahalaan sa plano nitong ilipat sa national treasury ang hindi nagamit na ₱60 billion fund ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).
Ito ang iginiit ni Solicitor General Menardo Guevarra sa idinaos na oral argument sa Supreme Court kahapon hinggil sa usapin.
Sinabi ni Guevarra na ang fund transfer ay legal at pansamantalang hakbang lamang para matugunan ang mahahalagang government programs at projects.
“I assure the Honorable Court and the people that, contrary to what has been portrayed by some critics, there was no dark or sinister plan behind the transfer of the PHP60 billion fund balance from PhilHealth to the treasury,” ani Guevarra.
Hiniling din ni Guevarra sa Senado na alisin na ang pangalan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. bilang isa sa respondent sa kaso dahil may immunity ang Pangulo.
Una nang naghain ng mga petition sina Minority leader Koko Pimentel, 1Sambayan Coalition at Bayan Muna party-list chair Neri Colmenares para mapigilan ang paglilipat ng excess funds.
Sa ₱89.9 billion na kabuuang pondo na hindi nagamit ng Philhealth, nasa ₱60 billion na ang nailipat sa national treasury.
Inihayag ni Guevarra na layon nito na maipatupad ng gobyerno ang priority programs nito nang hindi kailangang mangutang.
“A common-sense approach that does not violate any law, much less the constitution, in any way,” giit ni Guevarra.
Itinakda ang susunod na oral argument sa Feb. 25. Teresa Tavares