Home NATIONWIDE Overloading ng barko tatalupan; kumpensasyon sa pasahero iniatas ng DOTr

Overloading ng barko tatalupan; kumpensasyon sa pasahero iniatas ng DOTr

MANILA, Philippines – Ipinag-utos ni Transportation Secretary Vince Dizon ang imbestigasyon sa Philippine Coast Guard (PCG) kaugnay ng natuklasang overloaded na barko, at iginiit ang pagbibigay ng kompensasyon sa mga apektadong pasahero.

Sa isang pahayag nitong Lunes sa kanyang pag-iinspeksyon sa Manila North Harbor, sinabi ni Dizon na ang naturang barko ay nagmula sa Batangas Port at patungong Romblon, at lumabag umano sa umiiral na anti-overloading policy sa sea travel.

Ayon kay Dizon, maraming pasahero ang na-stranded matapos magbenta ng mas maraming ticket ang shipping line kumpara sa pinapayagang bilang ng mga pasahero.

Giit ng kalihim, hindi dapat naisinakripisyo ang kaligtasan ng mga pasahero, at dapat managot ang nasabing shipping line.

Isinagawa ang inspeksyon sa Manila North Harbor bilang bahagi ng Oplan Biyaheng Ayos: Semana Santa at Summer Vacation, isang kampanyang layong palakasin ang kaligtasan, seguridad, at kaginhawaan ng mga manlalakbay sa panahon ng Semana Santa.

Bukod sa Manila North Harbor, bumisita rin si Dizon sa ParaƱaque Integrated Terminal Exchange (PITX) upang tiyakin ang maayos na kondisyon ng mga land transport terminals.(Jocelyn Tabangcura-Domenden)