Home NATIONWIDE OWWA tututok sa pagpapauwi sa bangkay ng 3 Pinoy na nasawi sa...

OWWA tututok sa pagpapauwi sa bangkay ng 3 Pinoy na nasawi sa Dubai flood

Motorisits drive along a flooded street following heavy rains in Dubai early on April 17, 2024. - Dubai, the Middle East's financial centre, has been paralysed by the torrential rain that caused floods across the UAE and Bahrain and left 18 dead in Oman on April 14 and 15. (Photo by Giuseppe CACACE / AFP)

MANILA, Philippines – Kinumpirma ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Arnel Ignacio na minamadali na ang pagpapauwi sa tatlong Pinoy na nasawi sa Dubai dahil sa matinding pag-ulan at pagbaha.

Ayon kay Ignacio, nagsimula na sila sa proseso para sa pagpapauwi ng mga nasawi at maayos ang koordinasyon nila sa United Arab Emirates government at sa mga employers ng mga nasawi.

Inaantay na lamang umano nila ang clearance upang tuluyan na silang maipauwi agad ng bansa.

Kinilala ni Ignacio na ang tatlong nasawi ay sina Dante EspaƱol Casipong, Jennie Gamboa at Marjorie Saquing.

Sugatan naman ang dalawang kasama ni Dante na sina Mark Louie Pimentel at Lydin Cambalon na kapwa nahulog sa sinkhole kasama ni Dante.

Naoperahan naman sa binti sa hospital si Pimentel na nasa maayos nang kundisyon sa kasalukuyan.

Kinumpirma naman ni Administrator Ignacio na nasa ICU si Cambalon na nakatakdang operahan ngayong Biyernes, Abril 19.

Nasawi naman sina Gamboa at Saquing matapos na umusok ang kanilang sinasakyan kung saan na suffocate sila na kalaunan ay idineklarang patay dahil sa cardiac arrest.

Kumpirmadong aktibong miyembro naman aniya ng OWWA ang tatlong nasawi at ang dalawang sugatan.

Tiniyak pa ni Ignacio na walang gagastusin ang mga naturang OFW na nasawi at nasugatan sa trahedya.

Nakipag-ugnayan na rin ang OWWA sa pamilya ng mga nasawi at nasugatan sa matinding pagbaha sa Dubai.

Sa ngayon, nasa mahigit sa 160 na OFWs sa UAE ang kanilang nabigyan ng financial at food assistance.

Sa pagtaya simula ng itinayo ang OWWA, umabot na sa 1.24 milyon ang naitalang Pinoy sa UAE subalit mahigit sa 200,000 lamang ang aktibong miyembro ng OWWA. Dave Baluyot