Home NATIONWIDE P1.47T budget sa infra projects para sa 2027

P1.47T budget sa infra projects para sa 2027

1
0

MANILA, Philippines – Nagtakda ang Marcos administration ng ₱1.47 trilyon para sa “Build Better More” infrastructure program sa ilalim ng panukalang ₱7.2-trilyong National Expenditure Program (NEP) para sa 2027.

Katumbas ito ng 4.4% ng GDP at ₱178 bilyon o 13.8% na mas mataas kumpara sa ₱1.29 trilyong infrastructure budget noong 2026.

Pinakamalaki ang bahagi ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na makakatanggap ng ₱619.04 bilyon, o 42.2% ng kabuuang infrastructure budget. Samantala, ang kabuuang panukalang budget ng DPWH ay ₱643.95 bilyon, 21.29% na mas mataas kaysa ₱530.90 bilyon noong 2026.

Ayon sa Department of Budget and Management (DBM), layunin ng mas malaking infrastructure spending na palakasin ang ekonomiya, lumikha ng trabaho, bawasan ang gastos sa biyahe at logistics, at pagandahin ang koneksyon sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

May mga safeguard din bago maisama ang infrastructure projects sa national budget. Sinusuri ang mga ito batay sa kahandaan sa implementasyon, feasibility studies, detailed engineering, procurement plans, right-of-way, permits, koordinasyon sa LGUs, posibilidad ng project duplication, at nakaraang paggamit ng pondo ng ahensya.

Kabilang sa malalaking proyekto sa 2027 budget ang:

–Laguna Lakeshore Road Network Project – ₱35.21 bilyon

–Bataan-Cavite Interlink Bridge Project – ₱22.49 bilyon

–Davao City Bypass Construction Project, Package I – ₱11.96 bilyon

–Cebu-Mactan Bridge and Coastal Road Project – ₱8.57 bilyon

–Pasig-Marikina River Channel Improvement Project, Phase IV – ₱8.54 bilyon

Ang Laguna Lakeshore Road Network Project ang may pinakamalaking pondo. Saklaw nito ang 37.6-kilometrong pangunahing kalsada mula Lower Bicutan hanggang Calamba at target makumpleto sa 2028.

Ang Bataan-Cavite Interlink Bridge naman ay isang 32.15-kilometrong four-lane bridge na mag-uugnay sa Mariveles, Bataan at Naic, Cavite.

Sa Mindanao, ang Davao City Bypass Package I ay isang 45.5-kilometrong four-lane bypass road na target ding matapos sa 2028.

Sa Cebu, kabilang sa proyekto ang 3.34-kilometrong tulay at 5.34-kilometrong Mandaue Coastal Road, na target makumpleto sa 2030.

Samantala, ang Pasig-Marikina River Channel Improvement Project Phase IV ay nakatuon sa pagpapahusay ng daluyan ng Middle Marikina River, kabilang ang Manggahan Control Gate at dalawang floodgate sa bahagi kung saan nagsasanib ang Cainta at Taytay rivers.

Ayon sa DBM, ang mga proyektong mapopondohan ay mananatiling sakop ng procurement, budgeting, auditing, monitoring, at transparency rules habang ipinapatupad. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here