MANILA, Philippines – Sinabi ni abogado Michael Poa na handa siyang tumestigo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte kung tatawagin siya ng prosecution.
May ilang tungkulin si Poa sa kaso: miyembro siya ng legal team ni Duterte, spokesperson ng defense, at ngayon ay posibleng maging testigo ng prosecution kaugnay ng alegasyon ng maling paggamit ng confidential funds noong kalihim pa ng Department of Education (DepEd) si Duterte.
Ayon kay Poa, inaasahan na nila ang posibilidad na maging testigo siya mula pa noong pre-trial.
“Yung pag-testify ko, nung pre-trial pa lang, alam na namin ‘yon. It’s expected. Wala naman akong problema doon,” aniya.
Sinabi rin niyang naipaliwanag na niya ang kanyang nalalaman sa isang House committee hearing noong October 2024, kaya posibleng maulit lamang ang ilan sa kanyang mga naunang pahayag sa impeachment court.
“I already said my piece during the committee on good government. Basically, it will just be repetition,” saad ni Poa.
Handa si Poa na sagutin ang mga tanong tungkol sa kanyang personal na kaalaman, lalo na sa kanyang naging trabaho sa DepEd bilang undersecretary noong kalihim pa si Duterte.
Sinabi niyang sasagot siya sa mga tanong na sakop ng kanyang personal na kaalaman.
“Basta ayon sa personal knowledge ko, sasagutin ko,” saad niya.
Gayunman, sinabi niyang igagalang niya ang attorney-client privilege, na nagpoprotekta sa ilang kumpidensyal na komunikasyon sa pagitan ng abogado at kliyente.
Aniya, maaaring sagutin ang mga usapin tungkol sa kanyang trabaho sa DepEd at sa naging partisipasyon niya sa pagtugon sa mga isyung kinaharap ng departamento. Ngunit hindi niya maaaring basta isiwalat ang mga bagay na sakop ng kanyang relasyon bilang abogado ni Duterte.
Mas nagiging komplikado ang papel ni Poa dahil bukod sa pagiging abogado ni Duterte, siya rin ang spokesperson ng defense.
Naging mahirap umano ang kanyang tungkulin matapos mahigpit na ipatupad ng impeachment court ang sub judice rule, na naglilimita sa mga pampublikong komento tungkol sa mga usaping nakabinbin sa korte.
Sinabi ni Poa na “urgently looking for another spokesperson” ang defense at napag-usapan na nila ni Duterte ang posibilidad na bitawan niya ang isa sa kanyang mga tungkulin.
Mas nais umano ni Duterte na manatili siyang abogado habang naghahanap ang defense ng ibang magiging spokesperson.
Para kay Poa, isa lamang sa mga tungkuling maaari niyang gampanan sa impeachment proceedings ang pagiging testigo.
Sinabi niyang wala siyang problema sa pagharap sa impeachment court at pagsagot sa mga tanong tungkol sa mga bagay na personal niyang nalalaman, lalo na ang kanyang trabaho sa DepEd.
“Nung panahon ko sa DepEd, dapat naman sagutin ‘yang mga ‘yan. I have always maintained that position.”
Kung tungkol naman sa kanyang naging partisipasyon sa DepEd, kabilang ang kanyang tugon sa Audit Observation Memorandum (AOM), sinabi niyang maaari niya itong sagutin gaya ng ginawa niya sa House hearing.
“Of course, I cannot waive attorney-client [privilege]. Kung ang saklaw naman ay yung DepEd and ano ang naging partisipasyon ko—yung reply ko sa AOM—katulad nung ginawa ko sa House, tama din naman na sagutin ko dito [sa Senate impeachment court].” RNT/MDS