MANILA, Philippines – Pinagtibay ng Supreme Court (SC) ang 2025 nitong desisyon na nagbasura sa tinatawag na “second placer rule”—ang dating sistema kung saan awtomatikong idinedeklarang panalo ang kandidatong pangalawa sa pinakamataas na boto kapag nadiskwalipika ang kandidatong nanguna.
Ayon sa SC, kapag ang nanalong kandidato sa local elections gaya ng gobernador, mayor at iba pang lokal na opisyal ay napatunayang disqualified o hindi kwalipikadong manungkulan, nagkakaroon ng permanent vacancy. Ang posisyon ay dapat punan sa pamamagitan ng rule on succession sa ilalim ng Local Government Code, at hindi sa pamamagitan ng pagproklama sa second placer.
“The second placer lost in the elections. He or she was not the choice of the people,” binigyang-diin ng SC.
Nilinaw naman ng Korte na iba ang proseso para sa President at Vice-President, dahil ang succession sa mga posisyong ito ay nakasaad mismo sa Article VII, Sections 7 at 8 ng Konstitusyon.
Ang desisyon ay kaugnay ng kaso ni Datu Pax Ali Mangudadatu, na nadiskwalipika ng Commission on Elections (Comelec) bilang kandidato sa pagka-gobernador ng Sultan Kudarat noong 2022.
Kinuwestiyon ni Sharifa Akeel Mangudadatu ang residency ni Pax Ali, dahil nagsisilbi pa itong mayor ng Datu Abdullah Sangki sa Maguindanao ngunit idineklara niyang residente siya ng Sultan Kudarat. Pinaboran ng Comelec ang petisyon at kalaunan ay pinagtibay ito ng SC.
Ayon sa SC, hindi maaaring magkaroon ng dalawang domicile ang isang tao nang sabay.
Dahil sa disqualification ni Mangudadatu, sinabi ng SC na ang nahalal at na-proclaim na vice governor ang dapat pumalit bilang gobernador ng Sultan Kudarat.
Idineklara rin ng Korte na walang legal na batayan ang second placer rule na ginamit sa isang 2012 case. Walang batas na nagbibigay ng awtoridad na ideklarang panalo ang second placer kapag nadiskwalipika ang kandidatong nakakuha ng pinakamaraming boto.
Binigyang-diin ng SC na ang pagpapa-upo sa second placer ay sumasalungat sa kagustuhan ng mga botante, dahil hindi naman siya ang kanilang pinili sa halalan. RNT/MDS