MANILA, Philippines – Pinuna ni Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong si Senator Robin Padilla dahil sa pagbanggit nito sa mga alyas ng mga bayaning Pilipino kasabay ng mga pangalang sinasabing tumanggap ng confidential funds mula sa impeached Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Adiong, hindi dapat ikumpara ang mga bayani sa mga pangalang lumitaw sa acknowledgment receipts (ARs) na isinumite ng mga tanggapan ni Duterte sa Commission on Audit (COA).
“With due respect to my brother in faith and sitting senator, I think those national heroes whose aliases were referenced would be probably rolling, rolling in their graves,” aniya.
“To put them on the equal footing as Mico Harina, as Andy Lim, as Ms. Ngitngit, is already, again, an insult to the sacrifices they have made for this country,” dagdag pa niya.
Ang pahayag ni Adiong ay kasunod ng mga interjection ni Padilla noong Day 19 ng impeachment trial noong Agosto 26. Ipinaliwanag ni Padilla na mahalaga ang paggamit ng mga alyas sa pagtatago ng pagkakakilanlan, lalo na sa mga delikado at lihim na operasyon noong panahon ng rebolusyon at digmaan.
Kabilang sa mga binanggit niyang alyas ang “Dimasalang,” “Siling Labuyo,” “Maypag-asa,” “Magtalo,” at “Leon Kilat.” Binanggit din niya ang yumaong dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr., na gumamit ng alyas na “Marcial Bonifacio” nang bumalik sa Pilipinas mula sa exile noong 1983.
Kinumpirma ni Senator-judge Bam Aquino na gumamit ng alyas ang kanyang tiyuhin, ngunit iginiit na wala itong confidential funds at hindi kabilang sa mga pangalang nasa ARs na sinusuri sa impeachment trial.
Kabilang sa mga kahina-hinalang pangalan na lumitaw sa mga dokumento ang Mary Grace Piattos, na sinasabing pinaghalong pangalan ng isang sikat na café at potato chips brand.
Sa paglilitis, ipinapakita ng prosecution ang mga ebidensiya kaugnay ng umano’y maling paggamit ng ₱612.5 milyong confidential funds ni Duterte.
Sinabi ni Adiong na mali ang paghahambing sa mga bayani dahil ang kanilang mga sakripisyo para sa bansa ay kabaligtaran ng mga umano’y iregularidad na sinusuri sa paggamit ng confidential funds.
“And their death, the sacrifices they have made, kasi malapit na pong National Heroes Day, the sacrifices they have made, is actually diametrically opposite to the very practice of which these confidential funds were handled,” aniya.
“So hindi po dapat ’yun ang analogy ang gamitin natin (So we shouldn’t use that analogy),” dagdag niya.
Ang kontrobersiya ay lumabas ilang araw bago ang National Heroes’ Day sa Agosto 31. RNT/MDS