Home METRO 5 Vietnamese, sinagip ng NBI sa human trafficking sa Pasay

5 Vietnamese, sinagip ng NBI sa human trafficking sa Pasay

1
0

PASAY, Philippines – Limang Vietnamese ang nailigtas ng National Bureau of Investigation (NBI) na umano’y biktima ng human trafficking at sexual exploitation sa Pasay City.

Ayon sa NBI, nagsagawa ng operasyon ang Human Trafficking Division matapos makatanggap ng impormasyon tungkol sa isang Vietnamese na sangkot umano sa sexual trafficking sa isang hotel sa Pasay.

Sinasabing nagre-recruit ang suspek ng mga dayuhang babae, kabilang ang mga menor de edad, at dinadala ang mga ito sa Maynila para umano sa commercial sexual services.

Matapos ang surveillance, nagsagawa ng operasyon ang NBI kasama ang Pasay Social Welfare and Development Department noong Agosto 11. Isang undercover agent ang nagpanggap na kliyente at nakipag-ugnayan sa suspek sa pamamagitan ng Telegram.

Ayon sa NBI, nag-alok ang suspek ng mga babae kapalit ng bayad. Matapos ang negosasyon, nagkasundo silang magdala ng isang babae sa isang hotel sa Pasay.

Dalawang Vietnamese na babae ang unang nailigtas. Ang isa ay umano’y napili para magbigay ng sexual services, habang ang isa naman ang nakipagtransaksiyon sa undercover agent sa Telegram. Kalaunan, kinumpirma na ang huli ay isa ring biktima ng trafficking.

Habang kinukuha ng mga awtoridad ang mga gamit ng mga biktima sa isa pang unit sa Pasay, nakakita sila ng transparent plastic sachet na naglalaman umano ng shabu at tatlong drug paraphernalia.

Ayon sa NBI, inamin ng mga biktima na gumagamit sila ng ilegal na droga bago ang bawat pakikipagkita sa kanilang mga kliyente.

Samantala, sinabi ng isa sa mga nailigtas na dati siyang tumira sa isa pang condominium unit kasama ang iba pang trafficking victims. Dahil dito, nagtungo roon ang mga NBI agent at tatlo pang Vietnamese ang nailigtas, kaya umabot sa lima ang kabuuang bilang ng mga biktima na nasagip. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here