Home METRO P1.4M puslit na yosi nasamsam sa Cotabato City

P1.4M puslit na yosi nasamsam sa Cotabato City

COTABATO CITY- Narekober ng mga awtoridad na tumugon sa sumbong ng isang concerned citizen, ang abandonadong mga kahon ng puslit na sigarilyong naghihintay dalhin sa hindi natukoy na lugar, sa tabi ng Rio Grande de Mindanao sa lungsod na ito nitong Sabado.

Sinabi ni Brig. Gen. Allan Nobleza, police regional director ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), na may kabuuang 74 kahon ng puslit na sigarilyong hinihinalang mula sa Malaysia o Indonesia na may tinatayang halagang P1,480,000.

Ani Nobleza, inalerto ng isang sibilyan ang mga operatiba sa lugar ukol sa kontrabando.

Agad na nagpadala ng tauhan ang kapulisan upang beripikahin ang ulat kung saan nadiskubre ang kontrabandong tinakpan ng tarpaulin malapit sa Rio Grande de Mindanao sa Purok Nguyan, Barangay Kalanganan 2.

Inilahad ni Nobleza na nang tanungin ng mga pulis ang mga residente, sinabi umano ng mga ito na wala silang ideya kung sino ang nagmamay-ari ng items, dahilan upang kumpiskahin ito ng mga pulis.

Kasalukuyang hawak ng Cotabato City Police Station 3 ang 74 kahon ng sigarilyo at nakatakdang i-turnover sa Bureau of Customs. RNT/SA

Previous articleBabae timbog sa P2.1M shabu
Next article$14B investments mula sa foreign trips ni PBBM naisakatuparan na – DTI