MANILA, Philippines – ASAHAN na ng mga motorista partikular na sa mga pampublikong sasakyan ang muling pagpapatupad ng dagdag presyo sa mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.
Ito ang ipinahayag ni Department of Energy-Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero sa isinagawa nilang pagsubaybay sa pandaigdigang merkado ng langis.
Batay sa pagtantiya ng industriya ng langis sa bansa, asahan ang dagdag presyo na P0.80 hanggang P1.40 sa kada litro ng gasolina, P0.40 hanggang P1.00 sa kada litro ng diesel, at P0.50 hanggang P0.70 naman sa kada litro ng kerosene.
Ang mga kumpanya ng gasolina ay nag-aanunsyo ng kanilang panibagong presyo kada litro tuwing Lunes, na ipapatupad sa susunod na araw.
Matatandaan na nito lamang nakaraang Martes ay nagpatupad ng malakihang dagdag presyo sa mga produktong petrolyo ang mga kompanya ng langis sa bansa na P1.35 sa kada litro ng gasolina, P1.30 sa kada litro ng diesel, at P1.10 sa kada litro ng kerosene. JAY Reyes