Home HOME BANNER STORY P10.2-B floating shabu nasabat sa Zambales

P10.2-B floating shabu nasabat sa Zambales

(c) Danny Querubin

Isang bangkang pangisda na may kargang humigit-kumulang 1.5 toneladang methamphetamine hydrochloride o shabu, na tinatayang nagkakahalaga ng ₱10.2 bilyon, ang naaresto sa karagatan ng Zambales bandang hatinggabi ng Hunyo 20, 2025.

Ang bangka na rehistradong Pilipino ay may sakay na dayuhang may lahing Chinese-Malaysian na pinaniniwalaang konektado sa Sam Gor International Crime Syndicate, ang parehong sindikato na nasa likod ng mga nakaraang paghulog ng shabu sa ilang baybaying lugar.

Ang operasyon ay isinagawa ng PDEA, Philippine Navy-Northern Luzon Naval Command, PNP-Drug Enforcement Group, at Police Regional Office 3, na isa sa pinakamalaking drug bust sa kasaysayan ng bansa.

“Malapit nang maipadala ng sindikato ang panibagong kargamento ng shabu kung hindi naagapan. Ginawa ang delivery sa dilim para makaiwas sa mga awtoridad,” ani PDEA Director General Undersecretary Isagani R. Nerez.

Idinagdag niya na kailangang ipaliwanag ng lokal na may-ari ng bangka ang kanyang papel.

“Kung hindi dahil sa malakas na pagpapatrolya ng Philippine Navy at mahusay na koordinasyon ng mga ahensya, maaaring nakapasok na ang droga sa ating mga komunidad,” ani Nerez.

Pinagtitibay ng PDEA at mga katuwang nito ang kanilang pangako na bantayan ang karagatan ng bansa laban sa ilegal na droga. RNT