MANILA, Philippines – Ibinabala ng gobyerno ang posibleng pagsirit ng hanggang ₱10 kada litro ang presyo ng produktong petrolyo sa mga susunod na linggo dahil sa patuloy na tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran na nakaapekto sa pandaigdigang merkado ng langis, ayon sa isang opisyal ng Department of Energy (DOE) nitong Martes.
Sinabi ni DOE–Oil Industry Management Bureau (OIMB) Director Rino Abad na ang pagtaas ng presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado ay maaaring magresulta sa malaking dagdag-presyo sa lokal na merkado.
“Kapag umabot po ng USD20 [ang increase per barrel], hindi na. Magkakaroon pa tayo ng probably P7 to P10 per liter na magiging increase,” pahayag ni Abad sa isang panayam.
“So far ngayon, ang estimate po natin, may umi-increase na first day of trading ng P5 to P10 per liter ang impact ng first trading pa lang na adjustment nung MOPS price,” dagdag niya.
Ayon kay Abad, nakikipag-ugnayan na ang DOE sa Department of Transportation (DOTr) at Department of Agriculture (DA) kaugnay ng posibleng pagpapalabas ng fuel subsidies. Maaaring maipatupad ang subsidiya kapag umabot sa average na $80 kada bariles ang Dubai crude sa loob ng isang buwan.
Nauna nang iniulat ng Reuters na umakyat ng hanggang 13% ang Brent crude sa $82.37 kada bariles, pinakamataas mula Enero 2025, bago nagsara sa $77.74.
Sumirit ang presyo ng langis at gas matapos ang mga pag-atake ng Israel at Estados Unidos laban sa Iran at ang ganting aksyon ng Tehran na nagdulot ng pagsasara ng mga pasilidad ng langis at gas at pagkaantala ng shipping sa Strait of Hormuz. Dave Baluyot