Home NATIONWIDE P100K pabuya alok sa ikaaaresto ng mga nagnakaw sa mall sa Negros

P100K pabuya alok sa ikaaaresto ng mga nagnakaw sa mall sa Negros

MANILA, Philippines – Nag-alok ng P100,000 pabuya si Mayor Renato Gustilo sa makapagbibigay ng impormasyon para sa ikaaaresto ng mga indibidwal na nagnakaw sa isang shopping mall ng aabot sa P1.3 milyong cash at iba’t ibang gamit, sa Barangay Palampas, San Carlos City, Negros Occidental nitong Martes, Agosto 20.

Ipinag-utos na ni Police Col. Rainerio de Chavez, Negros Occidental police director, ang masusing imbestigasyon at inatasan din ang San Carlos City Police Station na siguruhing suyurin ang lahat ng posibleng mga lugar at impormasyon upang matukoy ang mga suspek.

Naglunsad na ang San Carlos City police station ng full-scale investigation sa insidente at pinagsisikapan ang paghahanap ng mga ebidensya at pag-track sa mga sangkot.

“Rest assured that the Negros Occidental police will not ease up on the conduct of investigation until we put the culprits behind bars,” sinabi ni De Chavez.

Sa ulat, dalawang hindi tukoy na indibidwal ang naghukay ng tunnel at pinasok ang mall sa pamamagitan ng drainage system nitong gabi ng Lunes, Agosto 19.

Nadiskubre na lamang ang insidente Martes ng umaga.

Nakuha sa pagnanakaw ang P260,000 na cash, mga gadget, tools at mga piraso ng alahas.

May persons of interest na ang pulisya ngunit hindi nila inaalis ang posibilidad na may iba pang mga taong sangkot dito.

Naniniwala ang mga ito na posibleng miyembro ang mga suspek ng isang organized group.

Matatandaan na noong Marso ay napasok din ang isang mall noong Semana Santa at natangay ang nasa P450,000 halaga ng mga gadget. RNT/JGC