Home NATIONWIDE P100M kapalit ng pagkapanalo sa eleksyon, ‘wag paniwalaan – Comelec

P100M kapalit ng pagkapanalo sa eleksyon, ‘wag paniwalaan – Comelec

MANILA, Philippines – Nakatanggap ang Commission on Elections (Comelec) ng mga ulat ng mga indibidwal na nag-aalok ng “panalo” sa mga kandidato kapalit ng cash na aabot sa P100 milyon, sinabi ni Comelec Chairman George Garcia.

Ayon kay Garcia, marami pa rin sa kasalukuyan ang nababalitaan at tumatanggap — may mga umiikot pa rin sa buong bansa na nag-aalok at nanloloko sa ating mga kababayan, sa mga kandidato o prospective na kadidato.

Aniya ang mga indibidwal na ito ay humihingi ng P50 milyon, P70 milyon o P100 milyon para sa “panalo” sa darating na botohan dahil may kakilala umano silang taga-Comelec.

Binigyan-diin ni Garcia na ang naturang alok ay isang “scam.”

“Noong mga nakaraang eleksyon, lagi pong may mga naglipanang sindikato o mga ordinaryong tao na sinasabing may mga contact sila sa Comelec, malapit sila sa Information Technology Department people ng Comerlec o kaya kung sinuman ‘yung supplier o ‘yung proivider ng Comelec, may access sila,” ani Garcia.

“Sana po ipa-aresto niyo ang lahat ng yan. Sana po wag natin papayag na lokohin tayo ng mga yan o linlangin. Hindi po totoo yan,” giit pa ng poll chief.

Pagtitiyak ni Garcia sa publiko, mayroong mga hakbang upang maiwasan ang pandaraya sa mga resulta ng halalan.

Sinabi rin ni Garcia na may pamamaraan ang mga bagong makina para ma-countercheck kung magkakaroon ng pagbabago ang resulta.

Sinigurado rin aniya ng Comelec ang absolute transparency ng proseso.

Noong Marso, nilagdaan ng Comelec at Miru ang P17.99 bilyong kontrata para sa procurement ng bagong automated election system para sa 2025 elections.

Sinabi ni Garcia na inaasahan ng komisyon ang initial batch ng nasa 20,000 units na darating sa Agosto. Jocelyn Tabangcura-Domenden