Home HOME BANNER STORY P10M kush na isinilid sa parcel nasabat sa P’que

P10M kush na isinilid sa parcel nasabat sa P’que

MANILA, Philippines – Nasabat ng anim na iba’t-ibang ahensya ng gobyerno na pinamunuan ng Philippine Drug Enforcement Agency-National Capital Region (PDEA-NCR) at ng Bureau of Customs-Customs Anti Illegal Drugs Task Force (BOC-CAIDTF) ang dalawang parcel na naglalaman ng mahigit P10-milyon halaga ng Kush o high-grade marijuana sa Parañaque City bago mananghali ng Huwebes, Nobyembre 7.

Base sa nakalap na report mula sa PDEA-NCR, naganap ang pagsasagawa ng operasyon kabilang ang mga ahensya ng PNP Aviation Security Group (AVSEG), Airport Police Department (APD), PNP Drug Enforcement Group (DEG) at ng National Bureau of Investigation (NBI) dakong alas 11:30 ng tanghali sa Cargohaus, Liwanag, Parañaque City.

Base sa isinagawang imbestigasyon, ang dalawang parcel na idineklara bilang mga ‘Herbal Tea’ na isinakay sa barko ng Ohio Tea Company ng 5154 Fulton Dr NW Canton OH 44718 sa pamamagitan ng Trident Logistics ng 712 South Hindry Ave ay naka-consign sa isang Alfredo D. Roa ng Mayuga Street, Tambo, Parañaque City.

Sa isang parcel na may tracking number USPS 9270 1513 3115 2835 3666 6382 04 ay may limang foil pack na may tatak na “Jasmine Pearls Green Tea” na naglalaman ng 3,570 Marijuana Kush na nagkakahalaga ng P4,998,000 habang ang isa namang parcel ay mayroon din na limang foil ng “Jasmine Pearls Green Tea” na naglalaman naman ng 3,584 gramo ng Marijuana Kush na nagkakahalaga ng P5,017,600.

Sa kabuuan ay nakakumpiska ang mga operatiba ng 7,154 gramo ng Marijuana Kush na nagkakahalaga ng P10,015,600.

Ang mga narekober na ilegal na droga ay dinala sa PDEA Laboratory Service habang sasampahan naman ng kasong paglabag sa Section 4 Art. II ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang suspect na mapapatunayang sangkot sa pagpasok ng illegal na droga sa bansa. (James I. Catapusan/photos by Jimmy Hao)