MANILA, Philippines – Sinuspinde ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang distribusyon ng P12 kada litrong fuel subsidy dahil sa election ban sa paggastos para sa social services, para sa papalapit na Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Dahil dito ay dismayado ang mga jeepney driver sa suspensyon, at umapela sa pamahalaan na taasan ang fuel subsidy o aprubahan na lamang ang hiling na taas-pasahe.
Sa ilalim ng election code, ang mga public welfare at social service programs ay ipinagbabawal sa election period hangga’t hindi bibigyan ng exemption ng Commission on Elections (Comelec).
Ayon sa Comelec, bukas ito na payagan ang fuel subsidy na magpatuloy kung may hihiling ng exemption para rito.
Sa kabila nito ay wala pa itong natatanggap na formal request mula sa LTFRB. RNT/JGC